Martes, Agosto 24, 2010

Lihim na Iniibig

LIHIM NA INIIBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

alam mo na ang lihim kong pag-ibig
ikaw na sinisinta kong kaylambing
alam mong nais kitang makaniig
ikaw na diwata ko sa paghimbing

sadyang kaytamis ng mga ngiti mo
na tila dudurog sa aking puso
sadyang kayganda ng mga mata mo
na nagpapaangat sa aking dugo

ikaw ang babaeng aking pangarap
sa kapanglawan ay nagpapasaya
ikaw ang dahilan ng pagsisikap
upang ikaw'y aking mapaligaya

hanggang ngayon, inibig kitang lihim
nawa puso ko'y iyong maunawa
batid mo ang puso kong naninimdim
ikaw na sintang aking minumutya

sana di bumaha sa dakong ito
ng pagluha, lumbay at pagkabigo
sana iwi kong puso'y matanggap mo
na kung ilang beses na ring nagdugo

pagmamahal ko sa iyo'y kaytayog
mutya kang dadalhin ko sa pedestal
aking mutya, sa iyo'y aking handog
itong buo kong pagkatao't dangal

Ang Awiting IKAW PA RIN ni Ted Ito

ANG AWITING "IKAW PA RIN" NI TED ITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

halos madurog ang puso ko sa himig
ng awiting itong aking naririnig
dahil punong-puno ito ng pag-ibig
tumagos sa puso't ako'y nalulupig

una kong narinig ang awit sa Japan
nang pinadala ako ng paaralan
at nagtagal doon ng anim na buwan
upang ang elektroniko'y pag-aralan

memorable para sa akin ang kanta
karanasan sa Japan naaalala
lalo ang mga Japayuking kaygaganda
na ang awiting ito ang kinakanta

ang awiting ito'y makadurog puso
tila ba lumuluha ako ng dugo
sa problema'y tila ba ako nahango
kahit sa pag-ibig minsang nabibigo

pasasalamat sa mga Japayuki
sa aking puso kayo'y mamamalagi
nagkakilala lang tayo ng sandali
ngunit ang alaala nyo'y nanatili

awit na ito'y handog sa mamahalin
handog sa sinta kong inibig ng lihim
sa'king kamatayan, ang tangi kong hiling
ang awiting ito ang patutugtugin

Sa magandang kasama

SA MAGANDANG KASAMA
ni greg

isang maalab na pagbati
paabot sa iyong may ngiti
nawa ikaw ay manatili
sa pakikibaka palagi

pagbati ng maligayang kaarawan
sana'y nasa mabuti kang kalagayan
at maganda pa rin ang pangangatawan
walang sakit, maayos ang kalusugan

sana'y magpatuloy tayo sa paglaban
upang bulok na sistema'y mapalitan
at sa pakikibaka'y walang iwanan
pangako sa iyo'y di kita iiwan

hangga't nariyan ka, narito ako
ipaglalaban kita, pangako ko
kasama mo ako hanggang sa dulo
iwi kong buhay ma'y kapalit nito

Kamatayan sa Dibdib ng Unos

KAMATAYAN SA DIBDIB NG UNOS
(hinggil sa hostage-taking ng isang tourist bus sa Maynila, Agosto 23, 2010, kung saan maraming turistang Tsinong hostages ang pinaslang, dating pulis ang nang-hostage)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

umaalon ang ngitngit ng masa
sa pangyayaring tigib ng dusa
kayraming bihag yaong kinitil
ng isang dating pulis na sutil
poot sa dibdib niya'y nilubos
at ang bala akala mo'y unos

sa telebisyon ay tensyonado
sa hostage-taking ang mga tao
sa loob ng kalahating araw
kayraming buhay yaong pumanaw
sadyang nagtataka itong madla
pulis ay wala agad nagawa

umuulan ng poot sa dibdib
ng masang sa pagkaawa'y tigib
sa mga bihag na walang malay
na dumalaw lang dito'y namatay
kamatayang ito'y kahihiyan
sa nakalugmok na nating bayan