Linggo, Pebrero 6, 2022

Ka Popoy Lagman

KA POPOY LAGMAN

estudyante pa ako nang una siyang makita
mula sa pagkapiit ay kalalaya lang niya
simpleng tibak lang ako, estudyanteng aktibista
hanggang napagkikita ko siya sa opisina

kaya pala, nag-above ground na pala siya niyon
habang ako'y istaf pa ng dyaryong pangkampus noon
magaling siyang magpaliwanag ng nilalayon
bakit sistemang bulok sa lupa'y dapat ibaon

magaling na lider na isang paa'y nasa hukay
iminulat ang manggagawa sa magandang pakay
na magkapitbisig, sosyalismo'y itayong tunay
inspirasyon sa manggagawa upang magtagumpay

lumabas din siya sa debate sa telebisyon
naipanalo ang Sanlakas noon sa eleksyon
sa mga manggagawa'y nagbigay ng edukasyon
isinulat ang pagsusuri tungong rebolusyon

nagsulat siya sa Tambuli hinggil sa Paggawa
iyon ang magasin ng Bukluran ng Manggagawa
sa Tambuli, ako'y nagsulat ng akda't balita
natigil iyon at dyaryong Obrero'y nalathala

karangalan nang makasama siya sa magasin
isang bayani ng paggawa kung siya'y ituring
mabuhay ka, Ka Popoy Lagman, lider na magiting
salamat sa iyo sa mga aral mo sa amin

- gregoriovbituinjr.
02.06.2022

* Ka Popoy Lagman, Working Class Hero
(Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001)

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

di madalumat ang kung anu-anong naglipana
kung bubukaka, kung bubuka ba, kung bobo ka ba
kung kakain bago aspaltaduhin ang kalsada
kung sa kawalan ng trabaho'y may magagawa pa

sa pagbabasa'y nakakapunta sa ibang dako
kung may suliranin ay nakakabatid ng payo
habang binabasa ang aklat na nagpapadugo
ng utak habang magandang diwata'y sinusuyo

subalit napapatitig na lamang sa kawalan
pag mayroong pumulupot na sapot sa isipan
nagbabara ang mga kataga sa lalaugan
lalo't tamis o anghang ng salita'y di matikman

nakatitig man sa kawalan, alam ang gagawin
animo'y tulog subalit nangangarap ng gising
nasa panaginip ang hinalukay na abuhin
nasa guniguni ang pagsuyong nais abutin

- gregoriovbituinjr.
02.06.2022

lalaugan - wikang Filipino sa Adam's apple

Paglalakbay

PAGLALAKBAY

nakapaglalakbay ako sa iba't ibang bansa
dahil na rin sa pagbabasa ng maraming akda
nabatid ang kasaysayan at samutsaring paksa
iba't ibang pilosopiya pa'y inuunawa

bagamat ilang bansa'y aktwal na narating naman
tulad ng Japan tatlong dekada nang nakaraan
bilang iskolar ng electronics, anim na buwan
dalawampung taon matapos iyon ay sa Thailand

tatlong taon matapos, sa Thailand ay bumalik pa
nakapasok din naman sa loob ng bansang Burma
dahil naman sa Climate Walk ay narating ang Pransya
at dalawang beses lumapag sa airport ng Tsina

sana'y mabigyang pagkakataong muling maglakbay
upang di na lang sa pagbabasa ang pagninilay
taospusong pasalamat sa noon ay nagbigay
o nag-isponsor upang makapaglakbay na tunay

- gregoriovbituinjr.
02.06.2022