Lunes, Enero 13, 2014

Sa bangin ng gunita

SA BANGIN NG GUNITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

lumaboy-laboy sa mapagbalatkayong kahapon
habang lumulutang-lutang sa putikang maghapon
paano ba itatala ang magiting na ngayon
upang maging bukas ang pinagpalang rebolusyon

Tirik na magdamag

TIRIK NA MAGDAMAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang katawan niya'y nalalaspag
sa gawang maghapon at magdamag
ang puso'y tila walang panatag
sa sasapiting kahabag-habag
sinasamo niya'y pampalubag
nang payapang mundo'y mailatag
ayaw niyang umurong ang bayag
habang ang tiyan ay kinakabag
sa putikan nga'y pupusag-pusag
at inaalis ang iwing libag
ngayon ang lansangan ay madawag
tila gubat ng maraming bitag
kapayapaan ay nalalabag
kaya pinilit magpakatatag
sa kinakaharap na bagabag
habang tirik pa yaong magdamag

Kailangan kita sa bawat adhika

KAILANGAN KITA SA BAWAT ADHIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kailangan kita sa bawat adhika
prinsipyo kang lantay at puspos ng diwa
sa akin ba'y iyo kayang mahalata
tinititigan ka sa bawat tunganga

kita'y aktibistang narito sa parang
ng digma't adhikang sadyang manibalang
binibira yaong ang sistema'y halang
na sa karapatan, madalas mangharang

ikaw'y amasona sa puso kong taring
nais kitang dalhin sa may toreng garing
ikaw na may taglay ng diwang magiting
na sa iwing puso'y laging naglalambing

di ko kakayaning baguhing mag-isa
ang hinayupak na bulok na sistema
magtatagumpay lang ako, aking sinta
kung sa nasang ito'y makasama kita

Sa aking musa

SA AKING MUSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

musa kita sa aking paningin
humihip man ang mabining hangin
habang kaygaan ng panginorin
at tangay kita sa papawirin

musa ka ng aking kabuuan
tayo'y anak nitong Silanganan
pawiin natin ang mga halang
at pairalin ang kabanalan

nakatitig ako, aking musa
sa iyo, pagkat sa puso'y sinta
ngiti mo pa lang ay pamatay na
paano pa kung mawawala ka

tutukan man ako ng balaraw
at humaba man itong tag-araw
kinalalagyan ko ma'y magunaw
ang tanging musa't sinta ko'y ikaw

bukangliwayway ka niring puso
huwag sana itong mapadugo
kung takipsilim kang maglalaho
ang buhay ko na'y dusa't siphayo