HALIK NG TRUNCHEON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
nakaharang muli ang mga truncheon
nitong parak sa mga raliyista
nilulunsad na raw yata'y rebelyon
gayong sila lang ay nagpoprotesta
mataas na ang presyo ng bilihin
gayong di naman tumaas ang sweldo
mahal na ang pamasahe't pagkain
kuryente, tubig, bahay at petrolyo
ikaw na lang ba'y tutunganga na lang
o sasama ka sa pagpoprotesta
trucheon, kanyon man ang nakahambalang
di tayo matatakot makibaka
ang pagrarali'y ating karapatan
kahit pa mukha nati'y magkadugo
o magkapasa ang ating katawan
kahit humalik ang truncheon sa bungo
karapatan natin ang magprotesta
kung walang ginagawa ang gobyerno
kundi lalong pahirapan ang masa
sistemang ito'y dapat nang mabago