Biyernes, Oktubre 17, 2025

Sa taho

SA TAHO

mayroong istiker sa lalagyan ng taho:
sabi: "Lahat ng kurakot dapat managot!"
siyang tunay, korapsyon sana nga'y maglaho
pati na mga corrupt, kurakot, balakyot!

Oktubre na, wala pang nakulong na korap
o baka ang kawatan ay pinagtatakpan
ng kapwa kawatan, aba'y iyan ang hirap
kanya-kanyang baho'y inamoy, nagtakipan

dapat taumbayang galit na'y magsigising
huwag tumigil hanggang korap na'y makulong
magbalikwas na mula sa pagkagupiling
at tiyakin ng masang may ulong gugulong

di matamis kundi kumukulo sa galit
ang lasa ng tahong binebenta sa masa
pasensya ng masa'y huwag sanang masaid
baka mangyari ang Nepal at Indonesia

- gregoriovbituinjr.
10.17.2025

Salamisim

SALAMISIM

nasa rali man ako, sinta
kasama'y manggagawa't dukhâ
ay nasa puso pa rin kita
iyon ang mahalagang sadyâ

sa bawat minutong nagdaan
sa bawat segundong lumipas
o maging sa bawat araw man
o pagdaan ng bawat oras

ay lagi kang nagugunitâ
sa mga tula'y nasasambit 
madalas mang ako'y tulalâ
tula'y tulay sa bawat saglit

sa bawat araw na ninikat
kahit na ako'y nananamlay
ay sisigla na akong sukat
pag naalala kitang tunay

- gregoriovbituinjr.
10.17.2025