Sabado, Mayo 16, 2020

Halina't maglaro ng sudoku

matapos magbasa't magsulat, o magtanim kaya
matapos mag-ekobrik, magdilig man, o maglupa
maglalaro na ng sudoku sa selpon kong luma
animo'y matematika itong kahanga-hanga

tunay nga bang sudoku'y inimbento ng Igorot
dahil balangkas nito'y parang sa sundot-kulangot
pagkain sa kawayan at baong tamis ang dulot
siyam na hilerang tila sudoku pag sinundot

mula SUnDOt-KUlangot ay tinawag na sudoku
habang nasa kwarantina'y nilalaro-laro ko
di pa magastos na di tulad ng sudokung libro
na kailangan pang bilhin upang maglaro nito

may app ng sudoku, i-download mo sa iyong selpon
at laruin matapos ang gawain sa maghapon
magandang pangrelaks, pumokus, bilisan ang aksyon
huwag lang hayaang sarili mo'y dito magumon

- gregbituinjr.



Ekobrik ang libingan ng mga plastik

sa lahat ng mga plastik, libingan n'yo'y ekobrik
panawagang sa boteng plastik na kayo isiksik
ito ang maaaring gawin sa lahat ng plastik
lalo't naglipana na sila, anong iyong hibik?

mamangka ka sa dagat, ang plastik nga'y naglutangan
malapit sa amin ang Manila Bay, iyong tingnan
hinampas ng alon ang plastik sa dalampasigan
akala ito'y pagkain ng isdang nagbundatan

may dapat tayong gawin upang ilibing ang plastik
huwag sa laot pagkat mata ng isda'y titirik
mayroon din daw microplastics na kahindik-hindik
na di na malaman kung saan-saan nakasiksik

ilibing ang mga plastik ng pinagkainan mo
kung nais mo'y isama ang mga plastik na trapo
i-ekobrik lalo't mga plastik ang mga ito
nang di na lumutang sa dagat at makaperwisyo

- gregbituinjr.

Nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik

nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik
sa boteng plastik ay pinagsikapan kong isiksik
ekobrik ay libingan na ng laksa-laksang plastik
ekobrik ay libangan ko na ring nakasasabik

kayraming naipong plastik habang may kwarantina
pinatitigas na parang bato, pindutin mo pa
pag binato ng plastik ni misis, masakit pala
parang haloblak ang ginawang ekobrik, ano ba?

isang tulong na rin ito sa ating kalikasan
upang basura'y mabawasan sa kapaligiran
isang ekstrang gawain man ito'y pinagsikapan
upang makatulong din sa kapwa't sa sambayanan

ang naipong plastik sa malaking bag na'y naubos
ang basura'y di napunta sa laot, nakamenos
pakiramdam mo'y masaya't nakatulong kang lubos
ginawa sa panahong kwarantina kahit kapos

- gregbituinjr.