Sabado, Disyembre 7, 2013

Pagpupugay kay Nelson Mandela

PAGPUPUGAY KAY NELSON MANDELA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itim man o puti ang balat, ayon sa Kartilya
pagkatao natin at ng ating kapwa'y iisa
ang prinsipyong ipinaglaban ni Nelson Mandela
tila mga Katipunero ang iyong kapara
sagisag laban sa rasismo't pagsasamantala

dalawampu't pitong taon sa loob ng piitan
dahil rehimeng apartheid ay iyong nilabanan
nang makalaya, poot ay iniwan sa kulungan
ipinaglaban ang laya ng mga kababayan
at tagapagkaisa rin ng buong sambayanan

nahalal na pangulo ng bansang Timog Aprika
at naging kasapi rin ng Partido Komunista
sa iyo, di kulay ng balat ang sanhi ng dusa
kundi kaisipang tubo at bulok na sistema
hanggang sa iyong kamatayan, di ka nag-iisa

di malilimot ang kasaysayan mo't halimbawa
umangat ka man, paa mo'y lapat pa rin sa lupa
marami pang magpapatuloy ng iyong adhika
upang pagsasamantala sa kapwa na'y mawala
sa iyo, kami'y nagpupugay, isa kang dakila