Linggo, Mayo 27, 2012

Ang buhay nga ba'y isang tula?



ANG BUHAY NGA BA'Y ISANG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may nagsabing ang buhay daw ay isang tula
at ako naman ay di agad naniwala
nais kong suriin kung buhay nga ba'y katha
sa ating buhay ba'y tadhana ang lumikha?

paano ba naging tula ang isang buhay?
saknong at taludtod ba'y sino ang naglagay?
sinong kumatha ng kaygagandang tayutay?
sa mga likhang tula'y sino ang nagsikhay?

may isang bathala bang sa tula'y nagsulat?
sa bilang ng pantig, tadhana ba'y nagsukat?
nanaisin ng tutulang mayaman lahat
kung buhay ay tula, bakit may nagsasalat?

ang mismong maykatawan ba yaong kumatha
ng kanilang buhay na isang talinghaga?
di nga nila masulat ang wakas ng tula
iyon pa kayang buhay, kanilang malikha?

depende kung sinong sa buhay ay titingin
kung masalimuot, buhay ay matulain
kung isang hampaslupa, may  tula bang angkin?
at kung mayaman, may tula bang aanihin?

may nabuhay sa mundong siya'y sinusumpa
may bayaning ang buhay ay dinadakila
sadyang ang buhay sa mundo'y matalinghaga
kaya tiyak may buhay na maitutula