Linggo, Marso 15, 2015

Sugat

SUGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

malalim na ang sugat ng damdaming iwi
di madalumat kung bakit lagi nang sawi
gayon bang sadya ang pagsintang anong sidhi
ilang ulit mang mabigo'y tanggap ng budhi

Isang tula sa polygon

ISANG TULA SA POLYGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

ano ba ang polygon
yaong kanilang tanong:
ito'y magkakarugtong
na iba't ibang guhit
paikot bawat gilid
at yaong gitna'y pinid
bilang ng sulok nito
at gilid ay pareho

tatlo ang sa tatsulok
apat sa parisukat
lima ang sa pentagon
anim ang sa heksagon
sa heptagon ay pito
sa oktagon ay walo
siyam ang sa nonagon
at sampu sa dekagon

maaaring lumabis pa
sa sampu bilang nila
ngunit ang mahalaga
di nagkakasalabid
ito lang ay paikot
walang makalulusot
polygon ay paksain
ng alhebrang mithiin