Biyernes, Marso 15, 2024

Titser, na-depress, nagpasagasa sa trak, patay!

TITSER NA-DEPRESS, NAGPASAGASA SA TRAK, PATAY!

BULA, Camarines Sur - Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng 52-anyos na babaeng guro matapos na pinaniniwalaang sinadya nitong magpasagasa sa paparating na trak sa kahabaan ng national highway sa Zone-5, Brgy. Palsong sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, dakong alas-6 ng gabi ay nakita mismo sa kuha ng CCTV camera sa naturang lugar na naglalakad ang biktima sa tabi ng highway. Gayunman, bigla siyang tumakbo sa gitna at sinalubong ang paparating na trak... ~ ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 14, 2024, pahina 9

O, kaytindi pag ang dinanas mo'y depresyon
na mismong sarili'y gagawan ng represyon
lalo't di kinaya ang problemang naipon
na ang sariling buhay na'y nais itapon

nakagugulat na mismong gurong na-depress
ay nagpasagasa sa trak, ito na'y labis
di ba naresolba ang problemang tiniis?
kaya dinamay ang trak na humahagibis?

grabe ang ulat sa pahayagang nabasa
lalo pa't guro'y ikalawang magulang na
ngunit tao rin siyang may dalang problema
sa paaralan, sa kasama, sa pamilya

wala ba ritong nakapansing kapwa guro?
na depresyon nitong guro'y di naglalaho?
na problema nito'y tila naghalo-halo?
animo'y karambolang nagkalabo-labo?

sa pamilya pong naiwan, pakikiramay
di natin masabing ganyan kasi ang buhay
minsan, masaya; madalas puno ng lumbay
mahalaga, problema'y kakayaning tunay

- gregoriovbituinjr.
03.15.2024

Nais kong kumatha ng tula

NAIS KONG KUMATHA NG TULA

nais kong kumatha ng tula
samutsari ang pinapaksa
kung saan ba tayo nagmula
bakit ba manggagawa'y dukha

liliparin ang alapaap
o kaya'y sasakyan ang ulap
paano natin malilingap
ang laksa-laksang mahihirap

bakit may basura sa daan
at maraming batang lansangan
ano bang dapat pag-usapan
bukod sa prinsipyo't lipunan

paninindigan at pag-ibig
habang diwata ang kaniig
ang pagsinta'y di padadaig
kahit sa sinong manlulupig

nais kong tula ay isulat
habang ako'y pinupulikat
ang aking pluma'y di maawat
habang paa'y sa lupa lapat

halina't itayo ang mundo
isang hardin ng paruparo
na pulos nektar ang produkto
sa digmang rosas na aktibo

- gregoriovbituinjr.
03.15.2024

Nanggahasa ng 5-anyos, ari, kinalos

NANGGAHASA NG 5-ANYOS, ARI KINALOS

Isang lalaki na suspek sa panghahalay sa limang taong gulang na batang babae ang natagpuang patay at halos maputol ang ari sa bakanteng lote sa Claver, Surigao del Norte noong Martes. ~ ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 15, 2024, pahina 8

ay, karumal-dumal ang sinapit
nang umano'y nanghalay ng paslit
siya na'y tuluyang iniligpit
ari'y may laslas, tila ginilit

agad nagsumbong ang nakakita
kaya pulis ay nag-imbestiga
natagpuang may tama ng bala
salvage ang nangyari sa biktima

nanggahasa raw ng limang anyos
kaya ang kanyang ari'y kinalos
ito ba'y may kaugnayang lubos
sa rape? sa kanya'y sinong tumapos?

nararapat bang paghihiganti?
ang gayong ginawa't pangyayari?
mata sa mata nga ba ang sabi?
at di na idinaan sa korte?

- gregoriovbituinjr.
03.15.2024