Linggo, Agosto 16, 2020

Kung walang tulo sa gripo

sa gripo'y malalaman mo kung bukas o sarado
kung gamit mo'y makabago o ibang klaseng gripo
tandaan lang, three-o'clock bukas, six-o'clock sarado
nang walang tubig na masayang at makasiguro

ayos ito ng orasan, kung sakaling matanong
kung bukas ba o sarado ang gripo tulad ngayon
gripo'y walang tulo, gamitin ang imahinasyon
at kung sakaling magkatubig, di ito matapon

kung alam mong walang tubig sa bahay, aalis ka
laging tandaang ang gripo'y iwan mong nakasara
o kaya'y ang kuntador ang isara mo tuwina
kung hindi, baka pagdating mo, tubig ay awas na

isara lagi ang gripo kung di mo ginagamit
kung walang tubig, huwag iwang bukas kahit saglit
three o'clock bukas, six o'clock sarado'y aking hirit
upang walang maaksayang tubig, di ka magipit

at sa muli, ayos ito ng orasan, di oras
ayos ito ng gripo kung sarado ba o bukas
sa ganito man lang ay madali mo nang nalutas
kung gripo'y sara o bukas, tubig nga'y di nawaldas

- gregbituinjr.

Pagbabasa ng mga kwentong katatakutan

ang korni ko raw, nagbabasa ng katatakutan
ngunit tinutunghayan ko ito bilang aliwan
di upang takutin ang sarili kundi malaman
ang epekto ng maikling kwentong ito sa bayan

binabasa ko rin ito upang matutunan ko
kung anong simula, gitna't wakas ng bawat kwento
kung paano't bakit sinulat ng may-akda ito
layunin ba niyang manakot ay naabot nito

sinu-sino ang karakter, anong istorya, banghay
matatakot ka ba kung ang kwento'y tungkol sa bangkay
paano kung may aninong sa iyo'y nakabantay
likhang isip lang ba ang kwento, saan nakabatay

aba'y kaysarap magbasa't magpalipas ng oras
lalo na't kwarantina, walang magandang palabas
mabuti nang magbasa, kontrolado mo ang dahas
kaysa tunay na buhay, na labanan ay di patas

- gregbituinjr.

Paalala sa karatula

basa-basahin ang nakasabit na karatula
baka dahil dito'y makaligtas ka sa sakuna
"watch out, falling debris", di ito isang pelikula
"watch out", tingnan, "falling debris", baka mahulugan ka

sa lugar ng konstruksyon, "safety first" lagi ang una
dapat may proteksyon ang manggagawa, helmet, bota,
gwantes, at iba pang dapat upang di madisgrasya
kayhirap maaksidente't kawawa ang pamilya

maging alisto, "safety first" lagi'y pakaisipin
noong manggagawa pa ako'y sinabi sa akin
bilang machine operator ay tinanggap kong bilin
upang di madale ng makinang tinanganan din

may sensor man ang makina'y baka ka malusutan
mahirap nang masaktan, may daliring maputulan
saanman mapunta, "safety first" ay laging tandaan
idagdag pa ang "presence of mind", huwag kalimutan

- gregbituinjr.

Ang babaeng may hawak ng plakard

kaylakas ng dating ng babaeng plakard ang hawak
doon sa rali habang pawis ay tumatagaktak
kulang na lang ay bigyan mo ng rosas na bulaklak
ang totoo, sila'y naroong may pusong busilak

sapagkat ipinaglalaban nila'y karapatang
pantao, dignidad, at katarungang panlipunan
sa plakard nila'y nasusulat ang daing ng bayan
nakatitik sa plakard ang kanilang panawagan

mataba man o payat, may kurikong man o wala
pagtangan lang niya ng plakard ay kahanga-hanga
mga bunying aktibistang nagtatanggol sa madla
nakikibakang kasama ang dukha't manggagawa

bilib ako sa kanila kaysa babaeng pa-sweet
na ayaw sumamang ipagtanggol ang maliliit
kung manliligaw ka, piliin ang may malasakit
sa bayan, ligawan mo'y tibak kahit di marikit

hanapin mo kung sinong handang humawak ng plakard
may prinsipyo't handang sumama sa mahabang lakad
tungong Mendiola, sa araw ay di takot mabilad
na tulad ko'y lipunang makatao rin ang hangad

- gregbituinjr.