ANG MABUHAY DI LANG SA TINAPAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
di lang daw sa tinapay nabubuhay ang tao
siya'y nabubuhay din kasama ang gobyerno
dahil sa magsasakang kaysipag mag-araro
at produktong ginawa ng bisig ng obrero
nabubuhay ang tao di lamang sa tinapay
kundi dahil sa lupang pinagtamnan ng palay
dahil sa pamayanang bawat isa'y may ugnay
dahil sa manggagawang talagang nagsisikhay
tuyong hawot, kamatis, sinangag ay laganap
na agahan ng Pinoy pagkain ng mahirap
dusa, luha't linggatong ang madalas malasap
ng mga nagugutom na hustisya ang hanap
tinapay sa umaga pandesal kadalasan
palaman ay sardinas at bahaw ang agahan
ang handa naman kapag tanghalia't hapunan
ay ang pamatid-gutom na pwede na sa tiyan
pag binato ng bato, batuhin ng tinapay
upang ulo'y lumamig, mabawasan ang lumbay
dapat wala nang gutom sa lipunang mahusay
dahil ang karapatan sa pagkain ay tunay