Huwebes, Pebrero 25, 2021

Ang ating panawagan: Labor Power

Ang ating panawagan: Labor Power

tatlong dekadang higit naganap ang People Power
nang pinatalsik ng buong bayan ang isang Hitler;
ngayon, obrero'y nananawagan ng Labor Power
na mensahe ng bayan sa nakaupo sa poder

noong diktadurang Marcos, manggagawa'y nagwelga
na ang isyu'y kontraktwalisasyon sa La Tondeña;
ang aral na iyon, ngayon ay itinutuloy pa
para sa kabuhayan, karapatan, demokrasya

ang nilalayon ng diktadura'y katahimikan
upang walang marinig na gulo't katiwalian;
ang nais ng masang manggagawa'y kapayapaan
na tumatagos sa dangal, puso nila't isipan

saanman, ang Labor Power ay paalingawngawin
upang ang bulok na sistema'y ganap nang malupig
lipunang makatao'y itayo para sa atin
at sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Karapatan, hindi karahasan!

Karapatan, hindi karahasan!

maliwanag ang panawagan ng matandang iyon
"Karapatan, Hindi Karahasan!" ang kanyang hamon
sa pamahalaan, sa mamamayan, kanyang layon
at paninindigan sa tangan niyang plakard doon

aba'y ilang beses na nga bang winawalanghiya
ang karapatan ng mamamayan, lalo na't dukha
ilang beses na bang masa'y inapi't kinawawa
pati proseso ng batas ay binabalewala

sakit sa kalusugan, idadaan sa pagpatay
kaya maraming ina ang lumuha't naglupasay
bakit dahas ang sagot sa inakalang pasaway
pinaslang agad imbes kausaping malumanay

kaya mensahe ng matanda'y sinasang-ayunan
pagkat iyon sa paniwala ko'y makatarungan
ating isigaw: "Karapatan, Hindi Karahasan!"
na ating iparinig sa namumuno sa bayan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Madalas, natatawa lang tayo sa ating mali

madalas, natatawa lang tayo sa ating mali
ngunit mabuti na iyon kaysa tayo'y mamuhi
sa sarili't magwawasto rin anumang sandali
ang pagwawasto ng mali'y pagbabakasakali

pawang bakasakaling di na natin uulitin
ang mga kamaliang dapat na pakasuriin
dapat matanto't matanggap ang kamaliang angkin
upang sa susunod, ginagawa na'y pagbutihin

ani Ka Freddie, tawanan mo ang iyong problema
ngunit payo niya sa awit ba'y nakakatawa
mahalaga'y nagwawasto tayo't huwag padala
sa kamaliang nagawa't baka pa madisgrasya

may panahon namang itama bawat kamalian
at sana pagwawasto'y ating mapagtagumpayan

- gregoriovbituinjr.

Di sarili ang aking inuuna

di ko na inisip saan makikinabang ako
o kung pagyaman ay isipin ko pang papaano
basta't madamang may silbi ako sa bayang ito
iyon ay sapat na't payapa ang puso't diwa ko

sariling bukas din naman ay minsang iniisip
subalit ayoko namang laging nananaginip
inalay na ang panahon upang kapwa'y mahagip
nang magkasamang kumilos upang iba'y masagip

laban sa pinunong uhaw sa dugo't magpaputok
laban sa kapitalismong sa tubo nga'y dayukdok
laban sa sistemang bulok na sadyang umuuk-ok
sa bayan kaya maging handa sa pakikihamok

may nagsabi, sarili ko raw ang aking unahin
salamat po, ngunit di iyan ang aking layunin
pagkat nabubuhay ako dahil sa adhikain
upang lipunang makatao'y maitayo man din

- gregoriovbituinjr.

Dalawang metrong social distancing

Dalawang metrong social distancing

sinunod natin ang isang metrong social distancing
pagkat pandemya, walang beso-beso, kissing-kissing
di na uubra ang diskarte mong patsansing-tsansing
ngayon, dalawang metro na ang nais iparating

aba, aba, aba, sadyang kaylayo na ng agwat
palayo ng palayo, walang usap, pwede kindat
pagbaka sa terorismo'y ito na ba ang hudyat
pinapraktis na ang layo-layo, di na maawat

tumitindi na rin kasi ang lagalag na virus
may bagong baryant daw na nakikita nilang lubos
mahal na ang mga bilihin, kaylaki ng gastos
ingat-ingat, layo-layo, bagamat kinakapos

laganap na ang teorya ng walang pakialam
o walang pakialaman kahit ka pa magdamdam
sa paraan bang ito, ligalig ay mapaparam?
o mag-aalsa pa rin ang masang may pakialam?

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.