Biyernes, Agosto 9, 2024

Boxer Nesthy Petecio, Bronze Medalist sa Paris Olympics

BOXER NESTHY PETECIO, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

naging silver medalist siya sa Tokyo Olympics
ngayon, nag-bronze medalist siya sa Paris Olympics
sadyang makasaysayan, siya'y talagang matinik
sa larangan ng isport, ngalan na niya'y natitik

si Nesthy ang ikalawang babaeng boksingero
na nagkatansong medalya sa Olympics na ito
ang una'y si Aira Villegas, palabang totoo
silang dalawa'y sadyang mabilis at matalino

subalit pawang natalo sa pagkamit ng pilak
puntirya't misyon nilang ginto'y talagang pinisak
ngunit nakamit nila'y dapat nating ikagalak
sa kaylupit na galawang buti't di napahamak

O, Nesthy Petecio, ikaw pa rin ay nagtagumpay
sa daming boxer na kalahok, nagka-bronze kang tunay
marapat sa iyo ang mataas na pagpupugay
sa mga dakilang atletang Pinoy mahahanay

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate, Bulgar, at Pilipino Star Ngayon, Agosto 9, 2024, pahina 12

Sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo

SA PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO
(International Day of the World's Indigenous Peoples)

sa pandaigdigang araw ng mga katutubo
pagpupugay ay pinaaabot nang taospuso
silang may karapatang dapat igalang ng buo
taong dapat kilanlin, saanmang panig ng mundo

salamat sa United Nations, may ganitong araw
katutubo sa bawat bansa'y igalang na tunay
lupang ninuno'y di ariin, di dapat magalaw
ng kapitalistang kamatayan namin ang pakay

ang katutubo'y nagpoprotekta sa kalikasan
na madalas mataboy dahil sa mga minahan
sinisira ng negosyo ang kanilang tahanan
inaagaw ng may kapital pati kalupaan

katutubo'y huwag ituring na uring kaybaba
sapagkat tao ring may malayang kultura't diwa
na pawang naghahangad ng daigdig na payapa
na dapat maprotektahan maging sa ating bansa

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

Nanghihingi si Muning

NANGHIHINGI SI MUNING

ako'y taong naritong natutuwa
sa mga inaalagaang pusa
pag ako'y nakita nilang dumating
agad silang sa akin ay dadaing

nais ng pagkain, nakikiamot
sila'y bibigyan ko't di nagdadamot
kung may maiabot lang sa kanila
sila'y mapapakain ko talaga

tulad ni Muning na aking kaharap
walang ibang sa kanila'y lumingap
bahala sila sa kanilang buhay
malalaki na sila, anang nanay

matutong daga'y kanilang mahuli
upang di gutumin sa bandang huli
habang ako naman ay nalulugod
na magbahagi ng munti kong kayod

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tRHbM9vyfh/ 

Hangal o banal?

HANGAL O BANAL?

ako ba'y isang makatang hangal
o ituring mong makatang banal
na sabi nila'y nakatatagal
sa dagok ng mag-asawang sampal

hinahanap ko'y mga salita
na mangyaring palasak ang diwa
kung di man makabago o luma
upang magamit ko sa pagkatha

sa pagsasaknong ay nagkakayod
sinasalansan bawat taludtod
maging bolpen o lapis na upod
sa anumang digma'y sumusugod

kahit diksyunaryo'y binabasa
na para bagang isang nobela
ganyan yata ang makatang aba
naligaw at nanliligaw pala

hangal o banal ba'y iyong tanong?
ang makata'y di nagmamarunong
niyakap ko lang maging ay yaong
mananaludtod at mananaknong

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* litratong kuha ni misis sa Art in Island sa 15th Ave., Cubao, QC