Huwebes, Hulyo 8, 2021

Sa lababo

SA LABABO

ani Inay, dapat laging malinis ang lababo
dahil diyan natin nililinis ang mga plato
at hinuhugasan ang ating ininumang baso
anya pa, huwag itong hayaang maging barado

mga bilin ni Inay noong aking kabataan
na tinatandaan ko hanggang sa kasalukuyan
ang lababong marumi'y imahe ng kapangitan
is-isin ang paligid, dumi'y tanggaling tuluyan

kanina'y nilinis ko ang lababong anong dumi
nilinis dahil agad napansin, barado kasi
sinundot-sundot hanggang lumuwag ito't bumuti
matagal din, tila bumarang dumi'y anong dami

buti na lang, natuto sa mga aral ni Inay
pati nga paglalaba'y nagagampanan kong husay
tandaan lang, lababo'y laging lilinising tunay
dahil pag nagbara muli'y sadyang di mapalagay

- gregoriovbituinjr.

Ilang pagtanaw

ILANG PAGTANAW

madalas tinutugis ng mga alalahanin
at nakakalimutan na rin pati ang pagkain
lagi na lang paanong gagawin sa suliranin
paanong makakahingang maluwag ang damdamin

masalimuot man bawat tinatahak na daan
subalit sasagi rin sa isip ang kalutasan
habang pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan
o kaya'y nakatanaw sa bughaw na karagatan

buga ng usok, naglulutangang plastik sa ilog
mga maralitang di alam paano mabusog
paghahanda sa unos nang kumidlat at kumulog
nang mahulog sa higaan at sa sahig nauntog

matapang na anak ng bayan ang kasalamuha
na pagkagising ko'y tinatanggal agad ang muta
naaalala ang dinanas noong pagkabata
habang humahakbang na kasama ang manggagawa

- gregoriovbituinjr.

Manhik-manaog

MANHIK-MANAOG

noon, lagi akong manhik-manaog sa hagdanan
tila turumpong di mapakali sa kinalagyan
akyat-baba ang ehersisyo noong kabataan
at gayon din ang asal sa loob ng paaralan

subalit minsan ay nadulas, tumama ang ulo
sa kanto ng hagdan at nagkasugat ngang totoo
sa pagitan ng kaliwang kilay at ng mata ko
pababa kasi ng hagdan ay mabilis ang takbo

di ko na tanda kung tinahi ba ang aking sugat
paalala sa kalikutan ang natamong pilat
lumipas ang panahon, sa hagdan na'y nag-iingat
lalo't nagmamanhik-manaog pa ring walang puknat

matayog mang pangarap, pagsisikapang akyatin
subalit maingat na akyat-baba ang gagawin
tapik lamang sa balikat ay sapat na sa akin
upang sumigla tungo sa pagkamit ng layunin

di lang parang gulong ang buhay kundi parang hagdan
di lang paikot-ikot, manhik-manaog din naman
mahalaga'y nagpapakatao't nasa katwiran
upang nadaramang kirot sa dibdib ay maibsan

- gregoriovbituinjr.