Linggo, Oktubre 26, 2008

Tao ba o Lansangan ang Kaunlaran?

TAO BA O LANSANGAN ANG KAUNLARAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Tao ba o itong lansangan
Ang tanda nitong kaunlaran
Pinagaganda'y mga daan
At tao'y pinababayaan.
Tao'y di dapat kalimutan
Tanda dapat ng kaunlaran
Ay ang tao't di ang lansangan.

Pritong Galunggong

PRITONG GALUNGGONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Kaysarap ng pritong galunggong
Sa pagkaing maraming tutong
May kasama pa itong labong
At may sawsawan pang bagoong.
Kaysarap ng luto sa gatong
Kahit sinaing ma'y magtutong
Basta't naprito ang galunggong.

Alas-Nwebe Na pala

ALAS-NWEBE NA PALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Alas-nwebe na ng umaga
Naggising ako'y tanghali na
Huli na ako sa eskwela
Kahit ako'y magpandalas pa.
Kagabi ako'y lasing pala
Kaya paggising ay puyat pa
Ngayon pala'y alas-nwebe na.