Linggo, Pebrero 19, 2023

Namamahay

NAMAMAHAY

sa ikalimang gabi lang ako nakapagbawas
dahil namamahay ng ilang araw na lumipas
talagang bumigay nang makaupo sa kasilyas
nakahinga ng maluwag sa ramdam na pagtagas

siyang tunay, para akong nabunutan ng tinik
nawala ang kung anong sa katawan ko'y sumiksik
talagang kaginhawahan ang biglang naihasik
mabuti't sa paglalakad ay di ako tumirik

aba'y sampung araw akong di uuwi ng bahay
dahil nasa mahabang lakarang may isyung taglay
nawa'y maipagwagi namin ang layuning pakay
sunakit man ang tiyan, sana'y kamtin ang tagumpay

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* kinatha sa basketball court na tinuluyan namin sa Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Paltos at bagong tsinelas

PALTOS AT BAGONG TSINELAS

nang dahil sa paltos / may bagong tsinelas
na handang isuot / at ilakad bukas
itinago ko na / ang aking sandalyas
na nakapaglingkod / sa akin ng patas

sana'y di mapigtal / ang bagong tsinelas
at sa paglalakad / ay huwag madulas
marating pa sana / ang mithiing landas
at ang inaasam / na magandang bukas

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Sa Morong

SA MORONG

mula Famy, dumaan sa Siniloan, Mabitac
Pililla, Baras, Morong, at sa Tanay na bumagsak
paltos ang paa sa sandalyas, buti't di nagnaknak
mabuti't sa paglalakad ay walang napahamak

hinuli pa ang dyip na lalagyan ng gamit namin
ininterbyu ng A.B.S.-C.B.N. at C.N.N.
hinggil sa isyu ng Kaliwa Dam si Nanay Conching
kung bakit kami naglalakad, ano ang layunin

tumigil sumandali upang makaihi kami
pag nasira ng dam ang lupain, sino ang saksi
kundi ang naroon, sila ang makapagsasabi
ang may hangad ng dam, sila ba sa masa'y may silbi

o tanging hangad lang nila'y ang kumapal ang bulsa
mga sakim, lolobo ang utang natin sa Tsina
sa mga katutubo'y anong pakialam nila
di sila nagpapakatao, hangad lang ay kwarta

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Nananghalian sa daan kahit umuulan


NANANGHALIAN SA DAAN KAHIT UMUULAN

bandang Pililla, Rizal nang kami'y managhalian
doon sa dinaanang kurbada nang umuulan
ang mayorya'y nakakapote, walang masilungan
isa lang sa dinanas ng mga nasa lakaran

walang maupuan, kumain kaming nakatayo
may bagyo yata, ngunit kami'y di nasisiphayo
ganyan man, di aatras, mithiin ay di guguho
ulan lang iyang sa atin ay di magpapagupo

wala nang laman ang bote ng tubig ko't sumahod
nang direkta sa ulan, subalit di sa alulod
upang matighaw ang uhaw, na lunas din sa pagod
na pagtutol sa Kaliwa Dam ay tinataguyod

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal. lowbat na ang selpon nang panahong iyan kaya di nakunan ng litrato ang sitwasyon
* ang litrato sa itaas ang disenyo ng tarp na dala ng mga kapatid nating katutubo

Napaaga sa Barangay Paagahan

NAPAAGA SA BARANGAY PAAGAHAN

kay-aga namin sa Barangay Paagahan
mga sasalubong pa'y aming naunahan
di ko inaasahan ang gayong pangalan
nagkataon lang ba, aba'y mabuti naman

sa basketball court niyon kami nagmeryenda
umakyat doon alas-siyete y medya
nang nakakapote't umuulan talaga
anong kapal ng mga ulap, may bagyo ba?

maraming salamat sa mga sumalubong
at nakaraos muli sa kanilang tulong
umalis kaming nagpatuloy sa pagsulong
upang kamtin ang layunin, walang uurong

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* inumpisahang kathain sa Barangay Paagahan sa Mabitac, Laguna, at tinapos sa Barangay Katipunan sa Tanay, Rizal

29 Kilometrong lakad ngayong araw

29 KILOMETRONG LAKAD NGAYONG ARAW

ngayong araw ay mahaba-haba ang lalakarin
pakiramdaman kung ang ganito ba'y kakayanin
walang umaatras basta makamit ang layunin
para sa bukas at buhay nitong lahat sa amin

di namin pinoproblema gaano man kalayo
mas problema kung Kaliwa Dam ay maitatayo
buhay, kabuhayan at kultura'y baka maglaho
at sisira rin sa tahanan at lupang ninuno

lalakarin ang kaylayo para sa katarungan
sa aming anak, sa pamayanan, sa kalikasan
dahil may tungkulin kaming ito'y pangalagaan
hanggang susunod na salinlahi't kinabukasan

di pumayag ang Pililla, diretso kaming Tanay
napaaga na gayong bukas pa iyon ang pakay
salamat po sa umuunawa't umaalalay
malayo man ay handa kami para sa tagumpay

- gregoriovbituinjr.
02.19.2023
* kinatha ng madaling araw sa simbahan ng Famy, Laguna