Martes, Abril 5, 2022

Sa langit

SA LANGIT

ayokong sayangin ang panahon sa pagtunganga
kung wala namang naninilay o tinitingala
maliban kung may lumitaw na magandang diwata
o kaya'y Musa ng Panitik kaya napapatda

wala nang pumansin sa akin mula magkasakit
masalubong man ako, mata nila'y tila pikit
parang ako'y multo o tila kanilang kagalit;
sa panahong ito, magkasakit nga'y anong lupit

subalit heto, sa pagkatha'y nagpatuloy pa rin
kung may mabentang tula, may pambili ng pagkain
nagsisipag kumatha bakasakaling palarin
ang makatang pulos luha, na katha'y didibdibin

minsan, di ko na makuhang tumingala sa langit
baka mapala'y hagupit ng sigwang nagngangalit
at yaong mata ng bagyo'y didilat at pipikit
di malaman anong mangyayari sa ilang saglit

banggitin mo ang pangalan ko sa mga Bathala
habang pinarurusahan itong abang makata
dahil di ko mapuri ang pagtudla sa kawawa
na para sa kanila'y laruan lang na manika

patuloy sa pagkuyom ang matigas kong kamao
na tutol sa pagyurak sa karapatang pantao
habang nagninilay at nakatambay lang sa kanto
hinihintay ang diwang sisirit sa aking ulo

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Aktibo

AKTIBO

nais kong makita nila gaano kaaktibo
ang mandirigma ng pluma sa iba't ibang isyu
kunwa'y walang sakit, na matatag pa itong buto
at nasa utak ay inilalagay sa kwaderno

mga samutsaring usapin, iba't ibang paksa
hinggil sa karaniwang tao't uring manggagawa
ang kwaderno'y pupunuin kong taglay ang adhika
habang isinasatinta'y pawang dugong sariwa

ah, ganyan nga ako kaaktibo sa pagdalumat
sa pakikipagpingkiang punong-puno ng sugat
upang magampanan lang ang tungkuling pagsusulat
ng hustisyang panlipunang dapat kamtin ng lahat

aktibo araw at gabi, kita mo't walang sakit
patuloy sa pagkatha hanggang utak na'y sumirit
sa nangyayari sa lipunan ay ayaw pumikit
upang maibahagi lang ang kinatha't parunggit

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Araw-gabing tungkulin

ARAW-GABING TUNGKULIN

araw-gabi nang palaging abala yaring isip
sa maraming isyu't paninindigang nalilirip
sa mga katagang nahalukay at halukipkip
sa mga hinaing niring dukhang dapat masagip
sa mga salita't dunong na walang kahulilip

upang makatha'y asam na makabuluhang tula
alay sa pakikibaka't buhay na itinaya
upang sundan ang yapak ng mga Gat na dakila
upang ipaliwanag ang isyu ng walang-wala
upang kamtin ang pangarap ng uring manggagawa

payak na pangarap sa araw at gabing tungkulin
upang isakatuparan ang bawat adhikain
para sa karaniwang tao't sa daigdig natin
upang angking karapatang pantao'y respetuhin
upang asam na hustisyang panlipunan ay kamtin

iyan ang sa araw-gabi'y tungkuling itinakda
sa sarili, at hingi ko ang inyong pang-unawa
kung sakaling abalahin ako'y di nagsalita;
sa pagninilay nga ang araw ko'y nagsisimula
upang bigkisin ang salita, lumbay, luha't tuwa

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Tagaktak ng pawis

TAGAKTAK NG PAWIS

laging tumatagaktak ang pawis n'yo, manggagawa
hangga't patuloy ang ikot ng mundong pinagpala
ng inyong mga bisig sa patuloy na paglikha
ng pagkain at produktong kailangan ng madla

O, manggagawa, nilikha ninyo ang kaunlaran
kung wala kayo'y walang mga tulay at lansangan
walang gusali ng Senado, Kongreso, Simbahan
walang mall, palengke, palaruan, at Malakanyang

patuloy na nagpapagal sa arawang trabaho
para sa pamilya'y lagi nang nagsasakripisyo
kayod pa rin ng kayod kahit kaybaba ng sweldo
na di naman makasapat para sa pamilya n'yo

pinagpala n'yong kamay ang bumuhay sa lipunan
kayong tagapaglikha ng ekonomya ng bayan
subalit patuloy na pinagsasamantalahan
ng bulok na sistemang kapitalismong sukaban

O, manggagawa, kayo ang dahilan ng pag-unlad
ng mundo, ng bansa, ng nagniningningang siyudad
ngunit ang lakas-paggawa n'yo'y di sapat ang bayad
binabarat lagi't ninanakawan ng dignidad

kayo'y lalaya lamang pag ibinigwas ang maso
upang durugin ang mapang-aping kapitalismo
itayo ang pangarap n'yong lipunang makatao
lipunang pantay, patas, at sa kapwa'y may respeto

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Balagtas crater

BALAGTAS CRATER

isa sa hukay o crater sa planetang Mercury
ay ipinangalan kay Balagtas, aba'y kaybuti
International Astronomical Union nagsabi
karangalan itong sa ating bansa'y nagsisilbi

may diyametrong siyamnapu't walong kilometro
katabi'y Kenko crater, mula kay Yoshida Kenko
manunulat na Hapon, at ang Dario crater dito
ay nagmula sa Nicaraguan na si Ruben Dario

ayon sa I.A.U., crater ay ipangalan dapat
sa mga artista, kompositor at manunulat
aba'y kahanga-hanga ito't nakahihikayat
na sadyang sa mga tulad ko'y nakapagmumulat

upang makata't mangangatha'y sadyang pagbutihin
ang katha't sining, ngunit apelyido ko'y Bituin
na di bagay sa crater kundi sa talang maningning
gayunman, kayganda ng kanilang mithi't layunin

ang Balagtas crater na'y isang pambansang sagisag
di lang sa manunulat kundi ang bansa'y tumanyag
lalo na sa sambayanang ang wika'y anong rilag
na walang kamatayang akda sa puso'y bumihag

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

* litrato mula sa fb
* salamat sa Trivia and Facts Philippines fb page