Martes, Nobyembre 24, 2009

Ako'y Isang Hampaslupang Makata

AKO'Y ISANG HAMPASLUPANG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto


ako’y isang makatang hampaslupa
na pagbabago ang inaadhika
pawang rebolusyon ang nasa diwa
at laging laman ng maraming tula

ang nais ko’y totoong pagbabago
upang wala nang maghirap tulad ko
dapat nating palitan ang gobyerno
pati ang sistemang kapitalismo

ako’y isang hampaslupang makata
hirap dahil walang pera sa tula
kakayahan ko lang ay ang pagkatha
ng maraming tulang laman ng diwa

hampaslupang makata nga lang ako
ngunit ang adhika ko’y pagbabago

Kung may pera lang sa tula

KUNG MAY PERA LANG SA TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

sinong kilala mong makata ang yumaman
dahil sa tulang likha

meron nga bang mayamang makata ng bayan
dagli kong sagot: wala!

dahil kung ang tula'y daan lang sa pagyaman
ah, di na ako dukha

isang makatang gutom kung ako'y turingan
sapagkat walang-wala

para bang nabubuhay na sa kamatayan
na dapat ipagluksa

kung sa tula lang kaya ko kayong tambakan
ng aking mga akda

baka ako'y isa nang makatang mayaman
kung may pera sa tula

mayaman lang ako sa mga karanasan
na isinasadiwa

ngunit ako'y pulubing makata ng bayan
na ang inaadhika

na bawat isyu ng masa'y mailarawan
sa aking bawat katha

ito'y tungkuling lagi kong ginagampanan
at tila itinakda

ngunit sadyang mapait ang katotohanang
walang pera sa tula

Alamat ng Aktibista

ALAMAT NG AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit daw ba maraming aktibista ngayon
gayong walang tibak noong unang panahon
bakit daw may tibak na akala mo'y maton
at pawang maiinit, hindi mahinahon

may mga aktibista dahil nagsusuri
kung bakit ang lipunan ay maraming uri
bakit may ilang mayayamang pinupuri
habang naghihirap naman ay sari-sari

hindi ba't pantay-pantay tayong isinilang
kaya pantay-pantay dapat ang karapatan
bakit maraming tao yaong nanlalamang
ng kapwa at marami ring nahihirapan

marami ngang katanungan ang umuukilkil
sa maraming nakaranas din ng hilahil
nais nilang pagsasamantala'y masupil
at mga panlalamang sa kapwa'y matigil

silang nag-iisip niyon ay aktibista
silang mga kumikilos para sa kapwa
para sa pagkakapantay sa pulitika
sa ekonomya, lipunan, buhay ng masa

noon, walang tibak dahil pantay-pantay pa
nang lipunan ay primitibo komunal pa
ngayon, nagkaroon ng mga aktibista
dahil maraming mga mapagsamantala

may mapagsamantala nang dahil sa tubo
na kahit buhay ng kapwa'y handang ibubo
may nang-aapi, pumapatay ng kadugo
upang mabuhay lamang sa kanilang luho

dahil ito na'y lipunang kapitalismo
nasa panahon ng kalagayang moderno
napaunlad na ito ng mga obrero
ngunit maraming dukha sa panahong ito

sa panahong ito'y marami nang nangarap
na sa pagdurusa'y makawala nang ganap
kumilos na upang makaahon sa hirap
lipulin ang mga gahamang mapagpanggap

dito isinilang ang mga aktibista
sa kalagayang api ang maraming masa
na nakikibaka't nang maitayo nila
yaong lipunang walang pagsasamantala

Dukhang Taas-Noo

DUKHANG TAAS-NOO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

simpleng tao ako't dukha,
na lagi nang walang-wala
isang kahig, isang tuka
kung ituring hampaslupa

ngunit nagsisikap ako
na laging magpakatao
makaharap man ay sino
ako'y laging taas-noo

Mga Sunog na Kilay

MGA SUNOG NA KILAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming kabataan ang nangarap
na makaalpas na sa paghihirap
nagsunog sila ng kilay, nagsikap
nang pangarap ay matupad ng ganap

ang edukasyon ay kinabukasan
upang makawala sa kahirapan
sunog na kilay itong katunayan
kaya mag-aral kayo, kabataan

marami ngang dahil sa pagsusunog
ay kanilang naabot ang tugatog
ng tagumpay at naging mga bantog
at sa kasaysayan ay naging moog

kaya bilin ko habang nabubuhay
sa mga kabataang nagpapanday
ng kanilang kinabukasang tunay
halina't tayo'y magsunog ng kilay

Panunuluyan ng mga Dukha

PANUNULUYAN NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kami po'y mga dukhang nawalan ng tahanan
pagkat dinemolis ng nasa kapangyarihan
itinuring kaming daga sa may kasukalan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kami'y mga dukhang biktima ng kahirapan
ngunit bakit nakasara ang inyong simbahan
para bang ang simbahan ay aming nanakawan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
kumakatok po kami sa inyong tarangkahan
baka lang po may kaunting makakain diyan
sana po kahit kaning lamig kami'y mabigyan

tao po, hindi nyo po ba kami pagbubuksan
nagsusumamo kami sa inyong mayayaman
may puso ba kayo sa aming naninirahan
bakit ba kami'y agad nyong pinagtatabuyan

tao po, tao po, kami po sana'y pagbuksan
"tuloy po kayo sa iskwater naming tahanan
pagpasyensyahan po itong aming nakayanan
kaunting kaning lamig at tuyo lang ang ulam"

ah, mabuti pa ang kapwang sa buhay ay wala
at maluwag na tinanggap kaming maralita
ramdam naming sila'y mataas ang pang-unawa
at magtutulungan kaming sangkahig, santuka