Miyerkules, Marso 10, 2021

Itigil ang E.J.K.!

ITIGIL ANG E.J.K.!

extrajudicial killings o E.J.K. ay itigil
inhustisya't walang proseso ng batas, itigil
sino kayong sa buhay ng tao'y basta kikitil
utos man iyan ng inyong pangulong gago't sutil

ilang inosente na ang kanilang nabiktima
bilangin mo ilang libo ang nagsiluhang ina
di mabilang, nakakapanggalaiti ng panga
ang mga nangyaring kahayupan at inhustisya

sa panahon lang ng utak-teroristang rehimen
nangyari ang maramihang gawain ng salarin
inosente'y hinusgahan na ng riding-in-tandem
atas ng namumuno, parak ay naging asasin

maraming kwento, ngunit takot silang magdemanda
maraming saksi, subalit baka balikan sila
asong ulol sa poder ay ngising aso tuwina
masa'y nangangamba't takot sa kanyang diktadura

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Pananakot at pagpatay na'y tigilan

Pananakot at pagpatay na'y tigilan

narinig kaya niya ang kanilang mga sigaw
na pawang hustisya, hustisya ang mga palahaw:
"Duterte, tigilan ang pananakot at pagpatay!"
kayrami nang nawalang mga inosenteng buhay

uhaw sa dugo ang mensahero ng kamatayan
dahil sa atas ng pangulong walang pakundangan
walang galang sa proseso't pantaong karapatan
"patayin lahat iyan" ang bukambibig ng bu-ang

kaya mga alagad niya'y tila asong ulol
naglalaway at hininga ng kapwa'y pinuputol
nanlaban daw ang pinaslang, yaon ang laging kahol
ng mga berdugong sa amo'y masunuring tukmol

mga plakard nila'y sumisigaw ng katarungan
nawa'y dinggin ang hiyaw ng mga kababaihan
itigil na ang walang kapararakang patayan
at atin nang itayo ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021