Biyernes, Pebrero 12, 2021

KaWaWà

aba'y mahirap ding maging kasaping maralità
sa Kapisanan ng mga Walang Walà (KaWaWà)
kalunos-lunos na ang kalagayan naming dukhà
patuloy pang sinusuong ang dumatal na sigwà

sabi nila, kung may tanong, itanong daw sa matsing
subalit huwag kang magtatanong sa mga praning
baka mahulog ka sa balon, di ka na magising
ngunit "tuso man ang matsing, napaglalalangan din"

dahil sa virus, kayraming nawalan ng trabaho
nagbigay ng pagkakataon sa kapitalismo
upang mapagsamantalahan uli ang obrero
oportunidad sa kapitalistang abusado

kung sa grupong KaWaWà ay mananatili na lang
ang mga hayok sa dugo ng dukha'y manlalamang
sigaw namin ay hustisya sa biktima ng tokhang
na walang proseso't mga inosente'y napaslang

- gregoriovbituinjr.

Tanagà sa pighati

Tanagà sa pighati

1
bakas pa ang pighati
ng nawalan ng puri
na tinatangka lagi
ng isang tusong pari
2
naulinigan mo ba
sa kanilang pagbaka
yaong sigaw ng masa:
nasaan ang hustisya!
3
kumikilos ang hari
sa ngalan ng salapi
pribadong pag-aari
ang rason ng pighati
4
danas ay balagoong
ng isa kaya buryong
tadtad na ng kurikong
may pigsa pa sa ilong
5
isdang tuyot na tuyot
ang nais niyang hawot
tila ba nilulumot
ang pisngi ng kurakot
6
nariyan si masungit
na ang ugali'y pangit;
mutyang kaakit-akit
ay sobra namang bait
7
malupit ang burgesya
tingin sa dukha'y barya
turing pa sa kanila'y
mga mutang sampera

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, pahina 20.

Ang natatanaw sa malayo

mababago nga ba ang mundo
sa lungsod ng mga pangako
at paano kung napapako
tulad ng asal ng hunyango

nagbabago-bago ang himig
ng awit ng saya't ligalig
tila inagawan ng tinig
ang dukhang walang makaibig

sa malayo'y nakita kita
lulugo-lugo't walang kita
parang laging butas ang bulsa
walang barya kahit sa blusa

marahang tanggalin ang hasang
ng hitong binaha sa parang

- gregoriovbituinjr.