Linggo, Marso 13, 2022

Putikang daan

PUTIKANG DAAN

lulusong ka sa putikan
sa araw-araw ba naman
pagkat doon ang tahanan
sa makipot na looban

pader pa'y nakatagilid
ang banta nito'y di lingid
parang pansakal na lubid
nakakapatid ng litid

sila'y iskwater sa turing
bahay ay di nila angkin
pag minsan, walang makain
may pagpag, di gugutumin

iskwater na nalalantad
sa progresong tila huwad
istrukturang pinaunlad
nagniningning ngunit hubad

umunlad ang mga tulay
at gusaling matitibay
di umunlad dukhang buhay
na animo'y nasa hukay

maalikabok ang daan
lalo't araw, kainitan
dahil kagabi'y umulan
ay nagputik ang lansangan

nasaan na ang pag-unlad
kung putik ang nilalakad
dukha'y ginhawa ang hangad
ngunit sa hirap ay babad

ang daan man ay maputik
kung masa'y magkapitbisig
kung karapatan ay giit
kakamtin din yaong langit

- gregoriovbituinjr.
03.13.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa pinuntahang lugar ng maralita

Makipot sa looban

MAKIPOT SA LOOBAN

napakakipot ng daan
sa pinuntahang looban
mga dukha'y tinitirhan
ang lupang di ari't yaman

baka mapalayas sila
sa lupang di pa kanila
nagpapatulong ang masa
sa pananahanan nila

bahay nila'y dikit-dikit
barongbarong, maliliit
pag apoy ay pinarikit
sunog na sa isang saglit

bakit sistema'y ganito
ang tanong nila't tanong ko
silang mamamayan dito
ay iskwater sa bayan ko

araw-gabi, kumakahig
nagugutom, inuusig
silang mga walang tinig
ay dapat magkapitbisig

ganyang buhay sa looban
hirap din ang kalooban
ang kaginhawahang asam
ay kailan makakamtan

- gregoriovbituinjr.
03.13.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa pinuntahang lugar ng maralita

Panawagang pangkalusugan

PANAWAGANG PANGKALUSUGAN

mahalagang pundasyon ng mga kababaihan
ang ipaglaban ang kalusugan ng mamamayan
namnamin lamang natin ang kanilang panawagan
nang pinaglalaban nila'y ating maunawaan:

"Pandemya sa kalusuga't kahirapan, wakasan!"
"Universal Health Care ay ipatupad at pondohan!"
panawagang mapagpalaya sa kababaihan
hiling nilang dapat tugunan ng pamahalaan

na kung si Ka Walden Bello na ating kandidato
ay maipanalo't mauupong Bise Pangulo
panawagan ng kababaihan ay sigurado
matutupad ang makatarungang hiling na ito

kaya sa kalusugan ng bayan, kasangga natin
sina Ka Leody de Guzman, lalo si Ka Walden
kaya patuloy nating isulong ang adhikain
sa kalusugan ng sambayanan, ating mithiin

- gregoriovbituinjr.
03.13.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa rali noong Araw ng mga Kababaihan

Almusal

ALMUSAL

tara, tayo nang mag-almusal, simpleng agahan lang
lalo't madaling araw ay nagutom at nagising
bumangon, hilamos, nagsaing, nagluto ng ulam
may kamatis, sibuyas, mayroon pang pritong daing

sa pagkahimbing ko'y sinundan pala ng diwata
na nang mapalapit sa akin, amoy ko ang bango
tila baga puso ko'y nabihag, di masawata
sa pagsinta sa diwatang sumuyo sa puso ko

hanggang maalimpungatan at mata'y iminulat
sa katotohanang wala ang diwata sa tabi
nagutom lang ako sa pamamasyal naming sukat
sa panagimpan habang diwata'y minuni-muni

ah, makakain na nga ng masarap na almusal
at idighay na lamang ang nangyaring panaginip
ayos na ang pritong daing kahit walang pandesal
nakabubusog na rin, anuman ang nalilirip

- gregoriovbituinjr.
03.13.2022