Lunes, Nobyembre 14, 2022

Stop VAWC

STOP VAWC

Stop VAWC o Violence Against Women and Children!
kaming mga lalaki'y ito rin ang hiyaw namin
mga babae't bata'y huwag saktan o apihin
dangal nila'y respetuhin, sila'y pakamahalin

si misis nga, mag-away man kami'y di sinasaktan
pagkat siya'y tulad ng ina kong dapat igalang
lalo na't ako'y isang aktibista sa lansangan
kaya lumaking may paggalang sa kababaihan

babae ang kalahati ng buong mundo, di ba?
bawat tao'y nagmula sa sinapupunan nila
pakatandaang may karapatan ang bawat isa
ina, anak, manggagawa, dukha, sinuman sila

di rin dapat saktan ang mga bata, lalo't anak
pag lumaking may sindak, sila rin ay maninindak
alagaan sila't huwag hayaang mapahamak
ang misyon: Stop VAWC ay gawin nating palasak

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

* tulang ito'y inihanda para sa Nobyembre 20 - World Children's Day at Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women

Soneto sa LA_O

SONETO SA LA_O

labo, lako, lago, laho, lalo, 
lango, laro, laso, lato, layo

halos lahat sa dulo'y may impit
puwera lang sa laso, kaylupit

napaisip sa palaisipan
aba'y agad akong natigilan

posibilidad kasi'y kayrami
kaya sa pagsagot nawiwili

puwera lango, apatang titik
nang sa isip ko'y may pumilantik

anong yaman pala sa salita't
may tugmaan pa ang ating wika

hanggang may tulang pumaimbulog
na sa inyo po'y inihahandog

- gregoriovbituinjr.
11.14.2022

Sa ika-57 wedding monthsary

SA IKA-57 WEDDING MONTHSARY

mula tayo'y ikasal nang Araw ng mga Puso
narito pa ring ating pagsinta'y di naglalaho
sa ating wedding monthsary, patuloy ang pagsuyo
sa ginhawa't hirap, tayo pa rin, ating pangako

sa kagubatan niring pagsinta'y di mamamanglaw
lalo na't magandang kalikasan ang natatanaw
talastas kong bituin kitang laging nakatanglaw
ang inihihiyaw nga niring puso'y tanging ikaw

- gregoriovbituinjr.
11.14.2022

* civil wedding, Tanay, Feb.14
* tribal wedding (1st part, family), Nasugbu, Jul.6
* church wedding, Nasugbu, Jul.7, Katipunan anniversary
* tribal wedding (2nd part, community), Benguet, May24