Miyerkules, Disyembre 21, 2022

Huwag ibalik ang tokhang


HUWAG IBALIK ANG TOKHANG

ani Senador Bato, dapat ibalik ang Tokhang
upang masugpo raw ang droga pati pusong halang
subalit ito ba'y dapat? tingni ang karanasan
tila asong gutom, kabi-kabila ang pagpaslang

dapat namang solusyunan ang drogang anong tindi
lalo't mayorya sa napatay ang nanlaban, sabi
at kayrami pang napatay na batang inosente
tingin sa kanila'y collateral damage, salbahe!

Myca Ulpina ng Rizal, edad ay tatlong taon
edad apat na taon naman si Althea Barbon
Danica Mae Garcia nama'y edad limang taon
si Francis Mañosca na edad din ay limang taon

si Kian delos Santos ay isa pa sa kanila
na diumano'y nakaluhod nang pinaslang siya
pawang mga mahihirap lang ang mga biktima
baka may iba pang solusyong magawa sa droga

basahin ang akda sa Pilipino Star Ngayon
editoryal, editoryal cartoon at isang kolum
ang Oplan Tokhang ay huwag ibalik, sabi roon
dahil daw operasyong may masamang reputasyon

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

* litrato mula sa Pilipino Star Ngayon, ika-21 ng Disyembre, pahina 4

Sa Disyembre 27

SA DISYEMBRE 27

sa International Day of Epidemic Preparedness
ay ating alalahanin ang mga nangawala
lalo't sa pandemya, buhay ay nawalang kaybilis
kaya maraming pamilya'y nagdamdam at lumuha

dahil sa COVID, Agosto ng nakaraang taon
ang aking tiyahin at ang magkapatid kong pinsan
ay nawala, sumunod sambuwan matapos iyon
kapatid na bunso ni misis, at aking biyenan

para bang sa likod ay tinarakan ng balaraw
kaya sa Disyembre Bente-Syete'y alalahanin
magtirik tayo ng kandila sa nasabing araw
para sa mga na-COVID at nawala sa atin

maging handa tayo sa paparating pang pandemya
sana kayanin ito't maging ligtas bawat isa

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

H.E.A.

H.E.A.

"Nasaan na ang health emergency allowance?"
ang tanong ng manggagawang pangkalusugan
ang hanap nila'y kailan matutugunan?
tanong sa D.O.H., kanilang Kagawaran

sakripisyo ng manggagawa'y malaki na
mula pa nang tumindi noon ang pandemya
kayraming mahal sa buhay ang nawala na
habang patuloy na naglilingkod ang iba

nawa ang kanilang panawagan ay dinggin
pagkat hinihingi nila'y karapatan din
mga manggagawang dapat alalahanin
ang sadya nila'y di dapat balewalain

di man ako manggagawang pangkalusugan
ay nais tumulong sa ganyang panawagan
ito ang aking silbi sa uri't sa bayan
kahit ang tula'y munti, sana'y mapakinggan

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

Pluma

PLUMA

matatag yaring pluma
pag kasama ang mutyâ
dama yaring pag-asa
kaytindi man ng sigwâ

salita'y nahahabì
sadyang kawili-wili
siya ang kalahatì
niring buhay na iwi

minsang nakatalungkô
nasulat ay siphayò
aking siyang sinundô
tanging dala'y pagsuyò

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

Tibak

TIBAK

mula noong estudyante'y naging tibak na
nang magkauban ay tibak pa ring talaga
buhay na payak, puspusang pakikibaka
iyan ang prinsipyong sa puso't diwa'y dala

di mo ba nauunawaan ang tulad ko
bata pa'y misyon ko nang maglingkod sa tao,
sa uri't sa bayan, kahit na may delubyo
itatag ang nasang lipunang makatao

labanan ang katiwalia't kasakiman
di lang ng dayuhan kundi ng kababayan
inadhika'y maglingkod sa uri at bayan
at bulok na sistema'y tuluyang palitan

ganyan ang buhay ko'y nais maisalaysay
sa dukha't uring obrero'y lingkod na tunay
nais kong magkaroon ng lipunang pantay
tutuparin ang pakay hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022

Saysay

SAYSAY

di ko hanap noon kung ano ang saysay ng buhay
di ako pilosopikal na tao, siyang tunay
nang maging aktibista'y nakita ko na ang saysay
di na ako naghanap pa't narito na ang pakay

payak na pamumuhay, puspusang pakikibaka
diyan umiinog ang prinsipyo ko't kaluluwa
alay na ang buhay upang mabago ang sistema
at paglaban sa mga tuso't mapagsamantala

di ko pinili ang magpayaman nang magpayaman
kundi guminhawa pati ang buong sambayanan
ang yaman o kayabangan ay aanhin ko naman
kung dangal ng kapwa'y aapakan at yuyurakan

unawa mo ba ang katulad ko't iyo bang watas
sa mga gatla sa noo ko'y iyong mababakas
kaya hayaan lamang sa aking piniling landas
upang aking matupad ang adhika hanggang wakas

- gregoriovbituinjr.
12.21.2022