Mabuti pa yata ang puno ng saging, may puso
mabuti pa yata ang puno ng saging, may puso
di gaya niyang pulos pagpaslang ang nasa nguso
"papatayin ko kayo!" ang sabi ng mukhang tuko
maton ngunit isip-bata, ang bunganga'y kaybaho
bukambibig ang pagbabanta at mga pahaging
tila walang puso, mabuti't may puno ng saging
utak-balisawsaw ang sugo ng pusong-balimbing
animo'y walang pagpapakatao ni katiting
sabi ng marami, tugon niya lagi'y pagpaslang
sa unang taon lang niya, libo na ang napaslang
sa nagprotestang nagugutom, tugon ay pagpaslang
laging alam na solusyon sa problema'y pagpaslang
ah, sino ba sa mga namumuno ang may puso
kung ang pinuno'y wala, sino na lang ang matino
kung puso ng saging kaya'y kainin ng pinuno
magpapakatao na ba't pamumuno'y may puso
- gregbituinjr.
04.04.2020
Sabado, Abril 4, 2020
Kung ako'y umabot sa edad sisenta'y kwatro
Kung ako'y umabot sa edad sisenta'y kwatro
minsan, pag nasa edad ka nang kalahating siglo
di mo na iniisip tatagal pa ang buhay mo
mapalad ka nga't naabot pa ang edad na ito
bonus na kung sa edad sisenta'y umabot ako
"When I'm sixty-four", sabi nga sa awit ni John Lennon
ngunit di na siya umabot sa edad na iyon
pinaslang siya sa gulang na apatnapung taon
"When I'm sixty four", halina't baybayin ang kahapon
namatay si chess grandmaster Bobby Fischer, ang Da Best,
na edad ay bilang ng parisukat sa larong chess
tulad din ni world chess grandmaster Wilhelm Steinitz
sa edad sisenta'y kwatro nang sa mundo'y umalis
anong kwento ng buhay ko, akin bang masusulat
sa bawat taon sa bawat bilang ng parisukat
pagkabigo't tagumpay ba'y paano masusukat
umabot sa sisenta'y kwatro'y di ko madalumat
sa itim na bloke'y maitim din ba ang kahapon
sa puting bloke'y gaganda ba ang iyong sitwasyon
piyesa'y itim man o puti, pag-isipan iyon
buhay ay di lang kahapon, may bukas din at ngayon
ipaglaban ang karapatang pantao't dignidad
magpakatao lagi't isinilang tayong hubad
gawin natin anong mabuti, anuman ang edad
pag umabot sa sisenta'y kwatro, tayo'y kaypalad
- gregbituinjr.
04.04.2020
John Lennon (Oktubre 9, 1940 – Disyembre 8, 1980)
Bobby Fischer (Marso 9, 1943 – Enero 17, 2008)
Wilhelm Steinitz (Mayo 17, 1836 – Agosto 12, 1900)
Frontliner din ang mga basurerong manggagawa
FRONTLINER DIN ANG MGA BASURERONG MANGGAGAWA
pagpupugay sa mga basurerong manggagawa
kinukuha pa ang basurang tinapon ng madla
sa kabila ng salot, malaki ang nagagawa
patuloy ang trabaho, mabuti't di nahahawa
mag-ingat din po lagi kayong mga basurero
matiyak din ang karapatan n'yo bilang obrero
sa kabila ng COVID-19, tuloy ang trabaho
at masiguro lang na malinis ang buong Metro
mabuhay kayong mga basurerong manggagawa
mga basurerong frontliner din, kahanga-hanga
kaharap ma'y di makita, salot na pumupuksa
basura'y kinokolekta nang di rin makahawa
sana ang kagalingan din ninyo'y maitaguyod
at maitaas din ang natatanggap ninyong sahod
dapat masuklian ang inyong sakripisyo't pagod
saludo po kami pagkat kayo'y tunay na lingkod

Ika nga nila: "Distancia Amigo"
IKA NGA NILA: "DISTANCIA AMIGO"
nawawala na rin ang ugnayan sa isa't isa
dahil dapat nang mangyari'y isang metrong distansya
o higit pa upang di magkahawaan ang masa
sa panahong ang COVID-19 pa'y nananalasa
ayon sa karatula sa trak: "Distancia Amigo"
nang di agad magkabanggaan kung biglang magpreno
sa ngayon, kaibigan, layo-layo muna tayo
at baka biglang mang-utas ang sakit na dorobo
di dapat magkahawaan, huwag basta babahing
takpan muna ang ilong ng panyo, tisyu o napkin
huwag ding basta humawak sa geyt na kalawangin
o yaong hinawakan ng mga kung saan galing
magpainit sa araw, magpalakas ng katawan
magbitamina ka rin, paganahin ang isipan
layo-layo man, kaharap ay di pulos karimlan
"Distancia Amigo" at may umaga pang daraan
- gregbituinjr.
04/04/2020

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)