"Kaya n'yo iyan!" Ito ang sigaw naming narito
sa ating mga magagaling na matematiko
na muli pong lalaban sa Math Olympiad sa mundo
nariritong sumusuporta sa ating pambato
dapat daw gagawin ito ngayong taon sa Rusya
subalit di na iyon tuloy dahil sa pandemya
kundi gagawin na ang paligsahan sa online na
sadyang patalasan ng ulo sa matematika
labanan ng estudyante sa hayskul ang Olympiad
sa matematika't sana sila'y maging mapalad
anim na estudyanteng kaybabata pa ng edad
kinatawan ng Pilipinas, medalya ang hangad
nakaraang taon, anim na medalya'y sinungkit
sa United Kingdom ng mga Pinoy na nagsulit
at ngayong taon, "Kaya n'yo iyan!" ang aming sambit
sana'y anim na medalyang ginto'y inyong makamit
- gregoriovbituinjr
* Pinaghalawan:
LOOK: Young Pinoys Mathemagicians To Join First-Ever Online Int’l Math Olympiad In 2020
PHL to compete in first online International Math Olympiad
https://businessmirror.com.ph/2020/08/02/phl-to-compete-in-first-online-international-math-olympiad/