Biyernes, Oktubre 24, 2008

Huwag Hatulan ang Aklat

HUWAG HATULAN ANG AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Huwag mong hatulan ang aklat
Nang dahil sa kanyang pabalat
Pagkat kung nais mong mamulat
Kunin mo ito’t ibulatlat.
Nilalaman, di lang pabalat
Ang dapat namnaming sukat
Sa binulatlat nating aklat.

Isang Paa Ko sa Hukay

ISANG PAA KO SA HUKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Pag mga paa ko’y nagpantay
At naging malamig na bangkay
Nawa’y huwag kayong malumbay
Pagkat pagod ko’y mahihimlay.
Minsa’y aking napapagnilay
Na ako ngayo’y nabubuhay
Na isang paa’y nasa hukay.

Manggagawa'y Hindi Kalakal

MANGGAGAWA'Y HINDI KALAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Itong manggagawa'y kalakal
Sa ilalim nitong kapital
Dito'y may presyo't walang dangal
Ang manggagawang nagpapagal.
Pag manggagawa na’y umangal
Pinagtatanggol na ang dangal
Pagkat sila’y hindi kalakal.

Katapat Mo Ba'y Katapatan?

KATAPAT MO BA'Y KATAPATAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Katapat mo ba'y katapatan
At hindi kasinungalingan?
Taas-noo ka ba kung masdan
Pag nakaharap na sa bayan?
Kung pulos ka katiwalian
Tinalikdan mo na ang bayan
Pagkat wala kang katapatan.

Manggagawa, Magkaisa

MANGGAGAWA, MAGKAISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

O, manggagawa, magkaisa
Laban sa bulok na sistema
Na dahilan ng pagdurusa
At paghihirap nitong masa.
Kayo itong tagapagdala
Ng pagbabago at pag-asa
Kaya dapat nang magkaisa.

Katiwalian ay Labanan

KATIWALIAN AY LABANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ang tiwaling pamahalaan
Ay kayrami ng kurakutan
May katapat na kabayaran
Ang marami nilang usapan.
Kung laging ang buwis ng bayan
Ang ginamit sa kurakutan
Tiwali'y dapat lang labanan!

Manggagawa'y Bayaran ng Tama

MANGGAGAWA'Y BAYARAN NG TAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Bakit di mabayarang tama
Ang lakas nitong manggagawa?
Pagkain at produkto'y likha
Ng kanilang lakas-paggawa.
Kapitalistang manunuba
Ang sa sahod ay nandaraya
Kaya di magbayad ng tama.

May Pag-asa ang Masa

MAY PAG-ASA ANG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Marapat bigyan ng pag-asa
Itong nakararaming masa
Na ang batbat nilang problema
Ay may kalutasan din pala.
Kung tuloy ang pakikibaka
Magtatagumpay din ang masa
Lalo't tangan nila’y pag-asa.

Mahalaga't May Halaga

MAHALAGA'T MAY HALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Di ba't buhay ay mahalaga
Sa mundong puno ng pag-asa?
Karapatan ng bawat isa
Ay dapat nilang matamasa.
Kung lagi kang binibiktima
Ng sistemang ito'y ano ka?
Buhay mo nga ba'y may halaga?

Di Ka Niya Iniibig

DI KA NIYA INIIBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Paano ba dapat umibig
Sa di mo naman nakakabig?
Puso ba niya’y malulupig
Kung ikaw nama'y maligalig?
Pag binigo ka ba’t niyanig
Ikaw ba'y tiyak manginginig
Pagkat di niya iniibig?