Miyerkules, Agosto 11, 2021

Unahin ang masa

UNAHIN ANG MASA

Masa'y unahin upang ekonomya'y makaahon!
Buwisan ang mayayaman! Wealth tax ang sigaw ngayon!
Panawagan itong sa pamahalaan ay hamon
Lalo na't nasa pandemya, ang masa'y nagugutom

Aba'y magawa kaya nilang unahin ang masa?
Makakaya kaya ito ng mga dibdib nila?
Sino ang uunahin? O paglilingkuran nila?
Ang negosyo? Ang negosyante? Ang kapitalista?

Sino ang uunahin ng gobyernong inihalal?
Ang negosyo? Ang negosyante? Ang mangangalakal?
Aba'y nahan ang masa? Hustisya ba'y umiiral?
Wala kasi silang kita sa masa. Pulos butal!

Sinasamantala lang nila ang masang hikahos
Tingin nila'y alam lang tumanggap ng barya't kutos
Walang pakinabang sa buhay na kalunos-lunos
Kaya dapat lang ang masa'y magkaisa't kumilos

Upang maghimagsik laban sa mapagsamantala!
Upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya!
Upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema!
Upang totoong itayo ang gobyerno ng masa!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Pagkansela at hindi

PAGKANSELA AT HINDI

sigaw ng dukha: "Itigil ang kanselasyon
ng kontrata sa pabahay at relokasyon!"
sigaw ng isa pa: "Dapat na'y kanselasyon
ng ilehitimong utang ng bansa ngayon!"

dalawang panawagan, magkaibang isyu
na dapat maunawaan nating totoo
isa'y may bantang ebiksyon sa mga tao
isa'y ang pambansang utang na lumolobo

dalawang isyung dapat nating mapagnilay
na kinabukasan ang tatamaang tunay
isa'y hinggil sa karapatan sa pabahay
isa nama'y hinggil sa pabigat sa buhay

panawagang dapat tayong makibahagi
kundi'y walang bahay at bansa'y malulugi
tulungan ang mga dukhang maduduhagi
ilehitimong utang ng bansa'y mapawi

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Pagbabasa

PAGBABASA

pagbabasa, tanging pagbabasa lang ang libangan
ng abang makatang bihirang makipaghuntahan
binabasa ang mga klasiko't isyu ng bayan
habang sa isang sulok ay nananahimik lamang

iyon ang di mapatid niyang gawa araw-araw
umaga ma'y maalinsangan o gabing maginaw
sa aklat ay napapalabas niya ang bakulaw
upang maging kasangga sa paglaban sa halimaw

dala ng pagbabasa'y anu-anong naiisip
kahit araw na araw animo'y nananaginip
tanungin mo nga't anumang paksa't istorya'y hagip
alam din paanong mga nasalanta'y masagip

tinutunghayan ang mga kasaysayan sa mundo
buhay ng mga bayani't tangan nilang prinsipyo
pagninilayan ang kwento't akda nilang klasiko
bakasakaling may aral na matutunan tayo

subalit bakit pagbabasa ang nakahiligan
ng makatang ang buhay ay pulos katahimikan
marahil, dahil may ibang mundong napupuntahan
at doon nadama ang asam na kapanatagan

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

Katarungan ay para sa lahat

KATARUNGAN AY PARA SA LAHAT

hustisya'y para sa lahat, di sa iilan lamang
siyang tunay, lalo't bawat tao'y may karapatan
ano't napakahalaga ng kanyang panawagan
may katuturan sa bayan ang kanyang kahilingan

lalo na nang manalasa ng higit limang taon
ang panonokhang, kayraming buhay ang ibinaon
na kahit mga musmos pa'y itinimbuwang noon
hustisya ang sigaw ng mga ina hanggang ngayon

sa kantang Tatsulok, "Totoy, huwag kang magpagabi"
dahil daw "baka humandusay ka diyan sa tabi"
inawit pa ang katotohanang dapat mamuni:
"ang hustisya ay para lang sa mayaman," ang sabi

kaya ang babaeng may plakard na tangan ay tama
sa kanyang panawagang tunay na di magigiba
ang hustisya'y para sa lahat, walang pinagpala
walang maiiwan, kasama ang dukha't kawawa

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021 sa tapat ng NHA sa QC

Almusal

ALMUSAL

kay-agang gumising na punung-puno ng siphayo
sa nagdaang gabing ang dinanas ko'y pagkabigo
sa pag-abot sa kaliwanagang biglang naglaho
upang mahimasmasan, ang ginawa ko'y nagluto

pinainit ko sa kawali ang mantikang tulog
alam kong kaysarap ng mantika mula sa niyog
pinrito ko ang tuyong daing, buti't di nasunog
payak na ulam sa almusal na nakabubusog

ang hanap ko'y tuyong hawot, narito'y tuyong daing
nais ko rin ang tuyong biklad, ulam sa sinaing
kung may tinapa't tuyong pusit, prituhing magaling
may reserbang tuyong dilis, bukas na pag nagising

sa agahang ito'y taospusong pasasalamat
may nakakain pa sa gitna ng pandemya't salat
kahit papaano'y di ka mamamatay nang dilat
naranasan kagabi'y malilimutan ding sukat

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021

Paghahanap sa salita

PAGHAHANAP SA SALITA

patuloy akong naghahanap sa mga salita
upang pasayawin tulad ng apoy sa kandila
tatahakin ang putikang dinaanan ng madla
bakasakaling makita ang gigising sa diwa

katulad ko'y kabalyerong minumutya ang hanap
ngunit pawang mga salita ang hinahagilap
pusikit mang gabing may ilawang aandap-andap
ay patuloy sa lakbayin kahit walang lumingap

mga salitang nawala'y saan kaya nagtungo
di pa patay ang mga salita't saan nagtago
may mamamayan nga kayang sa kanya'y nagkanulo
upang hinahanap kong salita'y biglang maglaho

pinaghandaang sadya ang malayong paglalakbay
tinatahak ang matinik mang landas nang may saysay
upang gisingin ang bayan sa salitang may buhay
at maghimagsik laban sa kuhilang pumapatay

nawawalang salita'y patuloy kong hahanapin
bilang makata'y isa ito sa aking tungkulin
sakali mang sa paglalakbay ako'y tambangan din
sana'y may ibang magpatuloy ng aking layunin

- gregoriovbituinjr.
08.11.2021