Lunes, Agosto 11, 2025

Litisin si Lustay

LITISIN SI LUSTAY

ang sigaw ng marami: Impeach Lustay!
hustisya sa taumbayan ang hiyaw!
panawagan sa S.C.: Impeach Lustay!
ayaw namin kung bise'y nagnanakaw!

bakit ebidensya'y di ipakita
na nais mabatid ng taumbayan
kayrami nang salaping ibinulsa
mula sa buwis at kaban ng bayan

bigyan pa rin ng due process si Lustay
di tulad ng pinaslang o tinokhang
walang due process, kinitil ang buhay
karapatang pantao'y di ginalang

sana'y makinig ang Korte Suprema
at Senado: Impeach Lustay, Ngayon Na!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

Si Oriang

SI ORIANG

dumalo ako sa Oriang
isang maikling talakayan
nang kaalaman madagdagan

ginanap iyon doon sa MET
layunin naman ay nakamit
sinapuso'y bagong nabatid

sa Supremo'y di lang asawa
kundi isang Katipunera
nakipaglaban, nakibaka

kahit ang Supremo'y pinaslang
ng dapat kasangga ng bayan
ay nagpatuloy si Oriang

taaskamaong pagpupugay
kay Oriang na anong husay
tanging masasabi'y Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

* mga litrato kuha sa Metropolitan Theater, Maynila, Agosto 11, 2025, kasama ang grupong Oriang; ang aktibidad ay proyekto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)

Sa ikalawang death monthsary ni misis

SA IKALAWANG DEATH MONTHSARY NI MISIS

ay, napakabata pa ni misis
sa edad na apatnapu't isa
nang nagka-blood clot, venous thrombosis
at sa mundo'y nawalang kay-aga

sakit na blood clot ang nakapaslang
sa tatlong test sa kanya'y ginawa
negatibo ang kinalabasan
nakaraang taon nang magawa

una, sa bituka nagka-blood clot
anang mga doktor, rare case iyan
ngunit ngayong taon ay umakyat
sa ulo, na sana'y malunasan

dalawang araw bago mamatay
discharge na'y pinag-usapan namin
magpapalakas siya sa bahay
at bilin ng doktor ay susundin

gabi niyon, kaytaas ng lagnat
binigyang gamot, naging kalmado
madaling araw, di na magmulat
si misis, dinala sa I.C.U.

kinabukasan, sini-C.P.R.
na siya't kami na'y tinawagan
karipas, sa ospital dumatal
ngunit buhay niya'y di nagisnan

natulala ako, nanginginig
sa pagkawala ng aking misis
nawala ang tangi kong pag-ibig
ay, kaytindi ng venous thrombosis

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

Today, August 11, is the second death monthsary of my lovely wife Liberty. Yes, I still feel the pain and grieve her loss.

Two days before my wife died, we are happy talking with each other, smiling, laughing, hugging, and have our selfie. We are planning to go home and waiting the order to be discharged. Then I left the hospital by noon to work for something. Arriving in the evening, she has a fever of 40°. She was attended by the nurse on duty. We slept by 11 pm. Then at 2am, nurses and doctors went to the room because she is not responding. Then she was brought to the ICU. The next day, doctors perform CPR, but she cannot take it anymore. She died by 12:15 pm.

Our world fell apart. Venous thrombosis or blood clot in the intestine last year, then blood clot in the head this year is really a very serious matter. Please, in honor of someone who died or is still fighting venous thrombosis or blood clot, think and pray for them. We may not know them but they need our prayers. No matter how small, we can help.