Martes, Abril 21, 2020

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

“At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love." ~ Argentinian doctor Che Guevara

alam kong may puwang pa sa puso mo ang pag-ibig
ito ang rason bakit tayo nagkakapitbisig
sa ating kapwa't dinadamayan ang walang tinig
pagkat tayo'y magkakapatid sa buong daigdig

kaya huwag kang mainggit na mayaman ang iba
marami sa kanila'y nabubuhay lang sa pera
di nagpapakatao, at balewala ang masa
walang pakialaman, iyan ang prinsipyo nila

puno ng pag-ibig ang nakikibakang tulad mo
nakikipagkapwa, naninindigan, may prinsipyo
tulad mo'y di mukhang pera kundi talagang tao
mabuhay ang tulad mong ang adhika'y pagbabago

rebolusyonaryong pag-ibig ang nagpapakilos
upang magkaroon ng sistemang walang busabos
itatayo ang lipunang walang naghihikahos
adhika'y lipunang pantay na walang dukha't kapos

- gregbituinjr.

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula
sa nais magbasa nito o bigkasin sa madla
at kung kailangan, sila pa'y aking igagawa
ng tula, basta magmungkahi lang sila ng paksa

gayunman, salamat din sa mga di nagbabasa
dahil ang mas nais nilang basahin ay nobela
baka tingin nila ginagawa ko'y propaganda
gayong tula'y pagbibigay ng pag-asa sa masa

lumaki na akong nakikibaka't di maramot
pag may pera'y galante, pag walang pera'y kuripot
ngunit aking mga katha'y di ko ipagdadamot
ito'y paraan ko ng pagsisilbing walang imbot

sana'y malathala ang mga ito sa magasin
sa mga dyaryo, libro, o iba pang babasahin
kung mamatay na ako'y daigdig na ang aangkin
nitong mga tulang aking kinatha't di na akin

- gregbituinjr.

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

talahulugan ay magandang gawin nating gabay
talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay
talata o saknong man ay may akibat na lumbay
talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay

talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog
talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog
talino'y linangin sa mga tulang maalindog
taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog

talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu
talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo
talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao
talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo

talumpati'y atake man sa bulok na sistema
taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya
talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa
taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

- gregbituinjr.

Ang tagpo'y tagpos man sa takdang panahon

ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON

tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi
tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi
tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali
tagasaan man ay laging nagbabakasakali

tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo
tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho
tagibang habang iniisip ang kasunod nito
tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku

tagunton ang nililikha ng makata ng buhay
tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay
taguyod ang panitikang may mga akdang lantay
taguri sa makata'y isang libo't isang panday

tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon
tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon

- gregbituinjr.

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

gumising ng maaga, isang oras sa arawan
Bitamina D umano sa sakit ay panlaban
ang init ng araw ay pampalakas ng katawan
upang kurikong at kagaw ay mawalang tuluyan

pagitan ng ikapito't ikawalo ang init
sa umaga'y tamang oras, gawin itong malimit
huwag sa tanghaling tapat, sa balat ay masakit
mag-ehersisyo ka rin, pagpapainit ay sulit

ano ba kung mainitan ng araw sa umaga?
balat mo'y mangingitim? puti mo'y mawawala na?
kung ayaw mong magkasakit, mag-Bitamina D ka
isiping nilalabanan ang virus sa tuwina

kung may sakit ka'y baka unti-unti nang mawala
at papatayin ng init iyang virus na banta
nagbabakasakali, nag-iisip, ginagawa
para sa kalusugan mo, ng pamilya't ng madla

- gregbituinjr.

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Maging malikhain sa panahon ng COVID-19
Ang trabaho mo sa labas ay sa bahay na gawin
Gising man ang diwa sa paligid, magsuri pa rin
Inobasyon ng bagay-bagay ay iyong likhain
Naplano mo ba paanong dampa mo'y palakihin?

Guhitin sa isip ang mga inobasyong asam
Magsuri ng kongkreto sa kongkretong kalagayan
Ang sirang gamit ba'y maaayos pa sa tahanan?
Latang walang laman ay maaaring pagtaniman
Ipunin ang mga walang lamang bote't linisan

Kunin ang pluma't papel, magsulat, ano bang plano
Huwag maging kantanod na nanonood lang dito
Abalahin ang sarili't likhain ang kung ano
Isiping sa paligid, may magagawa kang bago
Nawa ang malikha mo'y makakatulong sa tao.

- gregbituinjr.