Biyernes, Agosto 21, 2009

Huwag Mong Pahintuin ang Tibok ng Puso Ko

HUWAG MONG PAHINTUIN ANG TIBOK NG PUSO KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig

ang tibok ng puso ko'y huwag mong pahintuin
kundi'y kamatayan ang aking kakaharapin
tunay sa puso kong ikaw'y aking pangarapin
kaya sana naman ako'y iyo ring mahalin

huwag mong pahintuin ang tibok niring puso
dahil tiyak ang iwing puso ko'y magdurugo
huwag pahintulutang ang buhay ko'y maglaho
kaya sana'y ibigin mo akong buong-buo

huwag mong pabayaang ako'y magpatiwakal
pagkat ikaw lang ang sa mundo'y aking minahal
kaya pagdating sa iyo'y tila ako hangal
pagkat nais kitang mailagay sa pedestal

pagdating sa kagandahan isa kang diyosa
kaya mga binata'y ikaw ang sinasamba
at ikaw lang, diyosa, ang aking sinisinta
tiyak mamamatay ako kung mawawala ka

kung sakaling pahihintuin mo ang puso ko
sana kahit sa huling sandali'y hagkan ako
sa aking labi, sa pisngi, sa ilong at noo
tandaang inukit na kita sa pusong ito

Kawalan ng Peraý Di Kawalan

KAWALAN NG PERA'Y DI KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

kawalan ng pera'y di kawalan
pagkat makakakilos pa naman
maliban na lang kung kagutuman
ang makakasalubong sa daan

kawalan ng pera'y di kawalan
kung ikaw ay nasa lalawigan
pagkat meron namang kabukiran
na doon ay mapagtataniman

iba na kung nasa kalunsuran
pagkat lahat ay may kabayaran
tiyak ikaw ay may paglalagyan
pagkat kaytindi ng kahirapan

kawalan ng pera'y di kawalan
pagkat tao'y di nabubuhay lang
sa pera pagkat marami namang
pagkukunan ng panlamang-tiyan

nariyan ang mga kagubatan
pati na gulayan at palayan
basta't ikaw ay magsipag lamang
at may maaani sa taniman

kawalan ng pera'y di kawalan
kung iyo lang namang nalalaman
yaong mga diskarte saanman
upang mabuhay ka ng tuluyan

kawalan ng pera'y di kawalan
dapat ay magtiwala ka lamang
at marami kang malalagpasan
na anumang mga kahirapan

diskarte'y dapat mong matutunan
sa lunsod man o sa lalawigan
kaya kung pera yaong usapan
ang kawalan nito'y di kawalan