Sabado, Oktubre 20, 2018

Ilagay ang manggagawa bilang senador

manggagawa, maging bahagi ka ng kasaysayan
upang kauri natin ay manalo sa halalan
isang lider-manggagawa ang ating kinatawan
ipwesto sa Senado si Ka Leody de Guzman

lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
paupuin natin si Ka Leody sa Senado
pagkat sa Senado'y wala pang naupong obrero
kapitalista't elitista ang mayorya rito

kayraming naging Senador, kayrami pa ring dukha
mayorya'y pangkapitalismo ang batas na gawa
pangnegosyante't pang-elitista, di pangdalita
bihirang batas ang talagang kampi sa paggawa

si Ka Leody'y manggagawang talagang pinanday
ng paglilingkod sa obrero, buhay na'y inalay
at sa halalang darating, sa Senado'y ilagay
si Ka Leody de Guzman, maglilingkod na tunay

- gregbituinjr.

Nakatanghod man sa kawalan

nakatanghod man sa kawalan, naghihintay ng masisila
hindi iyon ang nakagisnan, naroroong natutulala
kahit mahal pa ang sinehan, laging gawin kung anong tama
upang mga nagmamahalan ay hindi naman magsiluha
kainaman ay di malaman, nawa'y huwag maging sugapa
di magluluwat ang takipan, magbayad ang umupasala
maraming isda'y matinik man, huwag angkinin ang di gawa
kakainin ay pagsikapan kaysa mga mata'y magmuta

- gregbituinjr.