Huwebes, Mayo 27, 2021

Pagtatanim ng bell pepper o siling lara



PAGTATANIM NG BELL PEPPER O SILING LARA

itinanim ko ng hapon ang buto ng siling lara
o bell pepper habang ito'y akin nang iginisa
ang ginawa kong paso'y boteng plastik na nakita
pagkat wala nang laman, kaysa naman ibasura

sa samahang makakalikasan ako natuto
upang basurang di nabubulok ay maresiklo
gamit din sa ekobrik at yosibrik kong proyekto
bilang tulong sa kalikasan at sa kapwa tao

may natira pang lupa sa nakaraang pagtanim
sa mga paso, sa libreng panahon ay gawain
sa umaga't gabi'y laging dinidiligan man din
upang balang araw tayo rin ay may aanihin

dahil sa pandemya'y naging magsasaka sa lungsod
pagtatanim ng gulay sa paso'y tinataguyod
halina't mag-urban farming pagkat nakalulugod
may mapipitas ka pag namunga ang iyong pagod

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

Ginisang bell pepper o siling lara sa hapunan



GINISANG BELL PEPPER O SILING LARA SA HAPUNAN

ginisa ko panghapunan ang limang siling lara
habang buto nito'y itinanim ko na kanina
di naman pala maanghang ng ito'y iginisa
di maanghang para sa akin, ewan ko sa iba

maanghang naman ang siling lara pag di niluto
ramdam iyon ng dila, ako nga'y napapayuko
kumbaga tamis at anghang animo'y naghahalo
subalit nang iginisa, anghang na'y naglalaho

kaysarap ng ginisang siling lara sa hapunan
lalo na't pakiramdam ng katawan ko'y gumaan
lunas din kaya ito sa anumang karamdaman
pagkat ako'y napatula't luminaw ang isipan

nakuha kong buto nito'y agad kong itinanim
para di masayang, inipon na bago lutuin
bakasakaling balang araw ay mapatubo rin
at kung magbunga na'y tiyak tayong may aanihin

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

Magulong kapaligiran

MAGULONG KAPALIGIRAN

maraming gulong sa pamayanan
nakaharang sa dinaraanan
maraming gulo sa sambayanan
na dapat lang bigyang-kalutasan

"Gulong ng Palad" ay napanood
noong bata pa't nakalulugod
nang di pa alam ang manaludtod
sa telebisyon nga'y nakatanghod

heads will roll, mga ulo'y gugulong
pagkat kaylakas ng binubulong
na sa katiwalian sumuong
kaya taumbayan na'y nagsumbong

mahirap ang may magulong buhay
kapayapaan sana'y manilay
walang utang, mabuti ang pakay
pinupuri kahit nasa hukay

ayoko ng magulong paligid
na sa utak, gulo'y laging hatid
sana sa dilim ay di mabulid
tanging kabutihan lang ang hatid

magulong buhay ay itutula
pagkat samutsari'y mapapaksa
na bagamat nakakatulala
ay malalarawan sa salita

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

* kuha ng makatang gala paglabas sa UP puntang Katipunan sa QC

Pagpupugay sa isang makata

siya'y dakilang manunulat na kahanga-hanga
minsan ko nang isinalin ang ilan niyang tula
mula sa wikang Ingles tungo sa sariling wika
ngunit kanyang tula'y dapat talagang maunawa

siyang kinilala ng iba't ibang henerasyon
bilang dakila hanggang kasalukuyang panahon
subalit ako'y sa kanyang soneto nakatuon
nagbasa't inunawang mabuti ang mga iyon

mula Italya'y mayroon tayong Petrarchan sonnet
mula Inglatera naman itong Shakespearean sonnet
kaiba pa itong Ingles na Spenserian sonnet
idagdag pa ang nasaliksik kong Miltonic sonnet

kaya lumikha rin ako ng sariling estilo
na tinipon ko naman sa blog na Pinoy Soneto
labing-apat na taludtod, may tugma't sukat ito
na balang araw ay plano ko ring maisalibro

si Shakespeake, manunulat, nobelista, mandudula
subalit siya'y mas kilala ko bilang makata
sa dami ng sonetong binasa ko't kanyang likha
paabot ko'y pagpupugay sa makatang dakila

- gregoriovbituinjr.
05.27.2021

Nais ko muling mag-aral at magturo

NAIS KO MULING MAG-ARAL AT MAGTURO

nais ko muling mag-aral, di sapat ang magbasa
habang pinag-iisipan ang una kong nobela
malikhaing pagsusulat ang kursong ninanasa
o kaya'y tapusin ang kurso sa matematika

aeronautical engineering ay di ko natapos
pagkat naging manggagawang regular akong lubos
ng tatlong taon, nag-resign, at iba ang inayos
nag-aral muli hanggang maging editor pangkampus

sa pagbabalik-eskwela'y naging ganap na tibak
hanggang umalis muli't iba naman ang tinahak
tumulong sa obrero't dukha, gumapang sa lusak
nagtanim-tanim, buhay man ay gaano kapayak

at ngayon, nais kong buksan ang panibagong pinto
baka may mga bagong aral tayong mahahango
lalo na't nais ko muling mag-aral at magturo
ibahagi sa iba ang karanasan ko't kuro

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng Benguet State University sa La Trinidad, Benguet

Sa katapusan ng Mayo

SA KATAPUSAN NG MAYO

hoy, may patalastas nga sa botikang nabilhan ko
No Smoking, ngunit di ako naninigarilyo
hanggang aking napagtanto, paalala rin ito
na World No Tobacco Day sa katapusan ng Mayo

naranasan ko ring magyosi noong kabataan
na kasama ng barkada'y naging bisyo rin naman;
nang mapasali sa makakalikasang samahan
ay napagtanto kong pera ko sa yosi'y sayang lang

heto, kalusugan ng kapwa'y itinataguyod
di nagyoyosi, magtanim na lang kahit mapagod
bagamat upos ay tinitipon ng inyong lingkod
upang gawin ang pagyo-yosibrick, nakalulugod

marahil, ambag ko na sa lipunan ang yosibrick
upos ay ipasok at ilibing sa boteng plastik
gagawin sa hibla ng upos ay nagsasaliksik
at baka balang araw, may solusyong matititik

may ibang grupong bahala sa kampanyang No Smoking
habang inyong lingkod ay yosibrick ang adhikain
sa katapusan ng Mayo'y sama-samang isipin
at pag-usapan ang kalikasang dapat sagipin

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

Mga boteng plastik na walang laman

MGA BOTENG PLASTIK NA WALANG LAMAN

naipon kong muli'y boteng plastik na walang laman
ito'y itatapon ko na lang ba sa basurahan?
maganda kaya itong pagtaniman ng halaman?
iresiklo ang boteng plastik, gawing paso naman

o kaya mga ito'y gamitin din sa ekobrik
dapat lang malinisan ang loob ng boteng plastik
malinis na ginupit na plastik ang isisiksik
gagawing mesa, silya, patitigasing parang brick

o kaya naman ay pagtitipunan ko ng upos
upang proyektong yosibrick ay matuloy kong lubos
baka makatulong sa kalikasan kahit kapos
upang buhay na ito'y marangal na mairaos

sa pagtatanim ay may mapipitas balang araw
upang pamilya'y di magutom sa gabing maginaw
itanim ang buto ng gulay, okra man o sitaw
o anumang gulay bago iluto o isapaw

mula sa gawa ng tao, basura'y halukipkip
kaya sa walang lamang boteng plastik ay malirip
na anumang makabubuti sa kapwa'y maisip
baka kahit munti man, kalikasan ay masagip

- gregoriovbituinjr.