Linggo, Oktubre 11, 2020

Una lagi ang prinsipyo

una lagi ang prinsipyo kaysa anumang lambing
ito'y napagtanto ko sa kwarantinang dumating
bawal tumambay sa inumang may pagiling-giling
pagkat tibak akong may paninindigang magaling

kahit sa basura'y may prinsipyo ring sinusunod
nabubulok at di nabubulok dapat ibukod
maging pageekobrik ay aking tinataguyod
gawaing pangkalikasa'y isa ring paglilingkod

bilang kawal ng paggawa, una lagi'y prinsipyo
pagkat narito ang buod ng diwa't pagkatao
di raw makakain ang prinsipyong sinasabi ko
ngunit di masarap kumain kung walang prinsipyo

makakain mo ba ang galing sa katiwalian?
masarap ba ang ninakaw mo sa kaban ng bayan?
masarap kumain kung galing sa pinaghirapan
lalo't wala kang inapi't pinagsamantalahan

ito ang niyakap ko bilang tao't aktibista
una ang prinsipyo't tungkulin sa bayan at masa
sa pagsusulat man o tumitinding binabaka
prinsipyo'y di ko tatalikdan kahit may problema

- gregoriovbituinjr.

Magkumot ka

halata ngang di ako sanay magkumot, talaga
kaya laging sinasabi ni misis, "Magkumot ka!"
para kasing nakabalot sa suman itong dama
kaysarap mamaluktot sa maginaw na umaga

sanay kasing matulog sa lungsod na anong banas
na nakahubad pang hihimbing, walang pang-itaas
iba ngayon, sa lugar na maginaw, naninigas
lamig na ninanamnam ng tagalungsod madalas

anong sarap ng lamig, huwag lamang magkasakit
dapat may kayakap din upang madama ang init
kumakatha man sa lamig, ano pang ihihirit?
sumunod lang sa bilin ni misis, huwag makulit

may kasabihang kung walang kumot ay mamaluktot
na may ibang kahulugan man ay mapapakamot;
sa ginaw na ito'y maninigas o manlalambot?
ah, may kumot naman kaya huwag nang mamaluktot

- gregoriovbituinjr.

Basurahan para sa plastik na ieekobrik

may mga basurahan nang para sa nabubulok
panis na pagkain, pinagbalatan ipapasok
basang papel, dahong winalis, huwag magpausok
magsunog ng basura'y mali, dapat mong matarok

may para rin sa di nabubulok na basurahan
styrofoam at gawa sa gomang pinaggamitan
boteng babasagin, sa pagkain pinagbalutan
ibat't ibang uri ng plastik ay ilagay diyan

ngunit may basurang mabebenta't magagamit pa
boteng di pa basag, tuyong karton at papel, lata
aluminum, bakal, at anupang baka mabenta
iyan ang tinatawag na "may pera sa basura"

dapat may basurahang pinagbukod ang plastik
mayroong basurahang para sa single use plastic
ang mungkahi ko namang sa utak ko'y natititik
may basurahan para sa mga ieekobrik

tuyong plastik at boteng plastik ang lalamnin niyon
sa mga eskwelahan ay may karatula doon
tuyong plastik at boteng plastik lang doon itapon
sa mungkahing ito sana'y maraming sumang-ayon

- gregoriovbituinjr.