Biyernes, Abril 15, 2016

Pakikibaka ang mahabang martsa

PAKIKIBAKA ANG MAHABANG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahigit sandaang kilometro'y handang lakarin
upang sa kinauukulan dalhin ang layunin
may CLOA na, bakit sa kanila pa'y babawiin
panawagan sa coco levy'y isyung dapat dinggin

sinong mamamayan ang maglalakad ng kaylayo
upang ipakita sa madla ang pagkasiphayo
ng magsasakang pilit tinahak ang baku-bako
puno ng sakripisyo sa landasing liku-liko

tunay sadyang pakikibaka ang mahabang martsa
sa kainitan ng araw, nagsakripisyo sila
danas ma'y katakut-takot, nanindigang talaga
upang kanilang kamtin ang asam nilang hustisya

tuloy ang mahabang martsa ng mga magbubukid
paninindigang tangan nila'y di mapatid-patid
lumaban upang lupa't buhay nila'y di mabulid
sa kaliluha't banta sa ating mga kapatid

- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Pagtulog sa karton

PAGTULOG SA KARTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di akalaing makakatulog sila sa karton
sa kanila'y pulubi lamang ang gagawa niyon
pati mga baklas-bahay at buhay na'y patapon
ngunit para sa prinsipyo'y ginawa nila iyon

sa basketball court, sa mga pasilyo ng simbahan
naglalatag ng karton sa kanilang tinuluyan
minsan kisame nila'y bituin sa kalawakan
maigsi ang kumot kaya namamaluktot minsan

di sa kama kundi sa karton muna nagsitulog
inihimlay katawang pata't sa lakad bugbog
mga sakripisyong sa kapwa magsasaka'y handog
nang maipanalo lang ang adhikaing matayog

para sa ipinaglalaban, naglalakad sila
tunay na sakripisyo ang martsa ng magsasaka
patungong lungsod, lalakarin mula sa probinsya
nang iparating ang daing sa gobyerno't sa masa

- sinulat sa sementadong pasilyo ng Cabuyao Town Plaza, katabi ng simbahan, Abril 15, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Kanselasyon ng CLOA, ipatigil

KANSELASYON NG CLOA, IPATIGIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

certificate of land ownership award, binigay na
sa mga magsasaka, at bakit babawiin pa
para ba ito sa negosyo't di para sa masa
ano't binigay na'y babawiin sa magsasaka

sa kanila'y napakahalaga ng lupang iyon
na kasugpong ng kaluluwa, puso't nilalayon
ngunit karapatan nila'y pilit ibinabaon
sa kangkungan ng kasaysayan ng kutya't linggatong

lupa'y karapatan, buhay na di dapat makitil
ng panginoong maylupang sadya ngang mapaniil
kanselasyon ng CLOA'y dapat lamang ipatigil
ang karapatan natin ay di dapat sinisikil

* kinatha sa St. John the Baptist Church sa Calamba, Laguna, Abril 15, 2016; binasa sa rali sa Korte Suprema, Daang Padre Faura, Maynila, kasama ng mga nagmartsang magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 19, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016