Lunes, Setyembre 22, 2025

Pondo ng flood control, ilipat sa edukasyon!

PONDO NG FLOOD CONTROL, ILIPAT SA EDUKASYON

hiyaw nila: "Pondo ng flood control!"
tugon: "Ilipat sa edukasyon!"
pahayag ng mga tumututol
sa mga naganap na korupsyon

wasto ang kanilang panawagan
na dapat lang dinggin ng gobyerno
edukasyon ba'y kulang sa pondo,
sweldo ng guro't silid-aralan?

pondo ng flood control na naglaho
ay binulsa ng mga buwaya!
nagsilabasan na'y mga guro
sa rali'y sumigaw, nakiisa

dinggin natin ang hiyawang iyon
upang pondo sa wasto magugol:
sigaw nila'y "Pondo ng flood control!"
dapat "Ilipat sa edukasyon!"

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16LT7QmFYM/ 

Mabuhay ang Artikulo Onse!

MABUHAY ANG ARTIKULO ONSE!

sumisigid sa puso't diwa ko'y protesta
kaya lumahok ako sa rali ng masa
sumisikip na pati ang Luneta't Edsa
sa pagbaha ng taumbayang nakibaka

sumisilay ang kabulukan ng sistema
na dama ng panggitnang uri at ng masa
sumisikil sa bayan ang korupsyon, di ba?
na dapat maysalà'y mapanagot talaga

nasaad sa Artikulo Onse sa Konsti
ang probisyon hinggil sa accountability 
at paglahok sa grupong Artikulo Onse
ay paraan ko upang sa bayan magsilbi 

mabuhay ang lahat ng sumama sa rali
nang tuluyang baguhin ang sistemang imbi
tuligsain ang kurakutang nangyayari
matinong lipunan na'y hibik ng marami

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025

Salamat, Anne Curtis

SALAMAT, ANNE CURTIS

salamat sa pakikiisa, Anne Curtis
laban sa katiwalian at just-tiis
hngad ng bayan ay makamit ang justice
ikulong ang kurakot ang kanilang wish

sa ShowTime, isa kang idolo, diyosa
na kinikilala ng maraming masa
ang pagtindig mo'y pagbibigay pag-asa
laban sa tiwali't bulok na sistema

salamat sa tindig laban sa korupsyon
at marahil na rin sa imbestigasyon
sa mga taong sa korupsyon nalulong
na mismong bayan ang kanilang ginunggong

salamat sa pakikiisa sa bayan
laban sa nangyayaring katiwalian
parglahok mo sa rali ng taumbayan
ay dagdag sa pag-ukit ng kasaysayan

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025

* litrato mula sa fb

Ani Alwina

ANI ALWINA

siya si Alwina ng Mulawin
nagsalita laban sa korupsyon
ako'y nagpupugay, Angel Locsin
sa iyong paninindigan ngayon

sinabi niya, "Watching the hearings
I couldn't help but remember the news
and messages of those begging for help
People's home washed away, lives lost to floods."

anya, "Naiyak ako sa galit.
Pwede palang di sila maghirap.
Pwede pala ang walang nasaktan.
Pwede pala ang walang namatay."

"Ang bigat. Nakakakapanghina 'yung
ganitong kasamaan. Pero mas
nakakapanghina'y manahimik
lang tayo. We keep speaking, we keep

fighting for truth, for justice, for change, and
no politics, at para sa tao."
kaysarap tandaan ng sinabi
ni Angel na sa bayan mensahe

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025

* litrato mula sa fb

Pakinggan ang sinisigaw nila

PAKINGGAN ANG SINISIGAW NILA

pakinggan natin ang sigaw nila
na katotohanang di makita
talaga ngang walang pinag-iba
ang mga pinunong palamara

di maipaliwanag ng isa
ang milyon-milyong ginastos niya
ng labing-isang araw, iyan ba
ang lider? mamumuno sa masa?

ang isa'y pinaupahang sadyâ
sa banyaga ang lupa ng bansâ
siyamnapu't siyam na taon ngâ
binenta na tayo sa banyagà

ilan iyan sa kanilang salà
kaya sumisigaw na ang madlâ
ilantad na ang mga kuhilà
sa kataksilan nito sa bansâ

kaya isinigaw nila'y tamà
huwag na nating ipagkailà
ang sistema'y baguhin nang sadyâ
upang tuminô ang ating bansâ

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1HrZix9yVj/ 

Tinapay

TINAPAY

sa iskaparate ko nilagay
ang pandesal at nabiling monay
inihandâ habang tula'y tulay
ko sa masa yaring naninilay

pang-agdong buhay laban sa gutom
bagamat kamao'y nakakuyom
subalit bibig ay di titikom
sa katiwaliang nalalagom

magmomonay habang nagsusulat
ng mga katagang mapagmulat
ngunit sa tuwina'y nanunumbat
upang krimen nila'y mabulatlat

ang aking pluma'y di mauutal
na dapat di malagyan ng busal
buti na lang may naaalmusal
kahit na matigas na pandesal

- gregoriovbituinjr.
09.22.2025