Martes, Oktubre 13, 2020

Pakikipagtunggali

animo ako'y ilahas na hayop na sugatan
at pagod na pagod sa naganap na tunggalian
pagkat ayaw palapa sa hayop ng kagubatan
o marahil sa gubat ay naghahari-harian

nakatindig pa rin kahit may sugat na natamo
sa bakbakang araw at gabi'y umaatikabo
kapwa pagod na ngunit di pa rin sila patalo
totoo, sugatan na ako'y di pa rin manalo

mabangis ang kalooban ng mga mananagpang
habang tangan ko pa ang kalasag na pananggalang
nageeskrimahan habang taktika'y tinitimbang
pinaghuhusayan upang di sila makalamang

hari ng kagubatang kagaya ko ring animal
ngunit di ko kaya ang malakas niyang atungal
isang taong lobong balat ng tupa ang balabal
sa labanang ito'y sinong magwawagi't tatagal

- gregoriovbituinjr.

Ang nag-iisang mais sa gilid ng kalsada

namunga na rin ang mais sa gilid ng kalsada
nag-iisa ang mais na iyon, walang kasama
nabuhay ng ilang buwan sa kanyang pag-iisa
sa kabila ng kalagayan,  nakapamunga pa

tulad din ng makatang kumakatha sa kawalan
may nakakatha sa umaga man o sa kadimlan
may katha sa sinag ng araw o patak ng ulan
lagaslas man ng tubig o kalagayan ng bayan

ang introvert nga akala mo'y may sariling mundo
tulad ko'y kayrami rin palang inaasikaso
laging may ginagawa, masaya mang nagsosolo
siyang may buti ring ambag sa mundo't kapwa tao

O, mais, mag-isa ka mang tumubo sa lansangan
subalit namunga ka pa't nagbigay-kasiyahan
ako'y nagpupugay sa iyong angking katatagan
tanging alaala'y larawan mong aking kinunan

- gregoriovbituinjr.

Ang mga bakod na ekobrik

nasulyapan ko lang ang mga bakod na ekobrik
habang naglalakad sa isang makipot na liblib
di papansinin kung di mo ito tinatangkilik
na kolektibong ginawa ng may pag-asang tigib

sinong nag-isip ng ganitong kapakinabangan
kundi yaong gustong malinis ang kapaligiran
kundi yaong ayaw na mga isda'y mabulunan
ng sangkaterbang plastik sa laot ng karagatan

mapapalad ang nakatira sa liblib na iyon
na sa tagalungsod na tulad ko'y malaking hamon
tambak-tambak ang plastik na sa lungsod tinatapon
anong gagawin ng kasalukuyang henerasyon

halina't pageekobrik ay ating itaguyod
sa mga libreng oras ay dito magpakapagod
kay Inang Kalikasan nga'y tulong na nating lugod
tayo nang magekobrik kaysa laging nakatanghod

- gregoriovbituinjr.