Biyernes, Hulyo 26, 2024

Palaisipan

PALAISIPAN

bata pa'y nagsasagot na ako
ng krosword sa samutsaring dyaryo
umaga pa dyaryo'y bibilhin ko
upang krosword ay sagutan dito

sa palaisipan nahahasa
ang aking bokabularyo't diwa
nababatid ang mga salita
sa kasalukuyan, bago't luma

krosword ay malaking naitulong
nang wikang Filipino'y isulong
ang wikang mamahalin mong bugtong
tulad kong nagmamakata ngayon

nakaupo man sa gilid-gilid
sa krosword may tulang malulubid
salitang tinahi ng sinulid
tiyak sa dibdib may sayang hatid

- gregoriovbituinjr.
07.26.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, p.10

21 patay kay 'Carina'

21 PATAY KAY 'CARINA'

inulat ng dalawang pahayagan
namatay ay dalawampu't isa na
kaya ingat-ingat, mga kabayan
dahil kaytindi ng bagyong 'Carina'

apat ang namatay sa Central Luzon
sa Calabarzon, sampu ang namatay
pito sa National Capital Region
dahil sa bagyo'y nawalan ng buhay

nasugatan ay labinlimang tao
habang lima yaong pinaghahanap
ayaw mang dinggin ang ulat na ito
ngunit mahalagang ito'y magagap

bakasakaling may maitutulong
paano kung tayo ang nasalanta
lalo't namatay ay walang kabaong
na tinangay ng baha, ni Carina

baka mayroon tayong kamag-anak
na walang kuryente't di na mabatid
ligtas ba o natabunan ng lusak
sana'y nasagip, ang mensaheng hatid

- gregoriovbituinjr.
07.26.2024

* ulat mula sa headline ng pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024

Si Pacquiao ang Asian Athlete of the Century

SI PACQUAIO ANG ASIAN ATHLETE OF THE CENTURY

taasnoong pagpupugay sa Pambansang Kamao
sa natatanging pagkilala pang natanggap nito
aba'y Asian Athlete of the Century na si Pacman
sa bansa'y isa na namang malaking karangalan

sa Top Twenty Five Asian Athlete siya ang nanguna
sa boksing ay walang kaparis ang nakamit niya
si Pacquiao ang natatanging boksingerong nagkampyon
sa walo, oo, walong magkakaibang dibisyon

sa tatlong dekadang karera'y nakitang magaling
limang beses na Fighter of the Year ng Ring Magazine
na pag humabol ng suntok ay PacMan, namamakyaw
kaya karangalan ay nakamit ni Manny Pacquiao

maraming salamat, Manny, mabuhay ka! Mabuhay!
sa iyo, buong bansa'y taasnoong nagpupugay!
at sa nagbigay ng karangalan, ang E.S.P.N.
pasasalamat sa inyo'y mula sa puso namin!

- gregoriovbituinjr.
07.26.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 26, 2024, pahina 12
* ESPN - Entertainment and Sports Programming Network
* talaan ng 25 Asian Athlete of the Century mula sa kawing na: https://www.espn.ph/espn/story/_/id/40632727/top-25-asian-athletes-21st-century