Miyerkules, Hulyo 31, 2024

Ang tungkulin ng makata

ANG TUNGKULIN NG MAKATA

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley

ako'y naaalatan sa maraming paksa
na para bang minsan, ayoko nang tumula
pangit na isyu't paksa, nakakatulala
di matanggap ng loob, nakakaasiwa

nariyan ang ginagawa ng trapong bulok
at mga naghahari sa sistemang bulok
patayan, dungisan ng dangal, mga hayok
na sa ating lipunan ay talagang dagok

subalit ang mga makata'y may tungkulin
sa masa ng sambayanan at mundo natin
mga makatang may kakaibang pagtingin
upang ilarawan ang nangyayari man din

kaya narito pa rin akong nagninilay
na aking mga tula'y nagsisilbing tulay
upang masa'y mamulat sa kanilang lagay
sa sistemang itong dapat palitang tunay

di lang namin tungkulin ang pananaludtod
o masdan ang patak ng ulan sa alulod
makata'y para ring kalabaw sa pagkayod
na tangan ang isyu ng pabahay at sahod

ang makata'y tinig ng mga walang boses
ng dukhang sa pagkaing pagpag nagtitiis
ng manggagawang dapat magkabigkis-bigkis
palitan ang lipunang di kanais-nais

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

Ilog sa Montalban at 2 kasama sa Ex-D

ILOG SA MONTALBAN AT 2 KASAMA SA EX-D

kamakailan lamang ay nagpunta kami
sa bahay ng dalawang kasama sa Ex-D
na mula sa Litex, kami'y isang sakay lang
dumalaw, nagtalakayan, at nag-inuman

bago magtanghali nang doon makarating
at nagkita-kita ang mga magigiting
plano ng Ex-D, dalawin bawat kasapi
at iyon ang una sa aming plano't mithi

dating pangulo ng Ex-D yaong dinalaw
plano't proyekto ng grupo'y aming nilinaw
nainom nami'y apat na bote ng Grande
apat na Coke, dalawang Red Horse na malaki

katabi lang ng ilog ang lugar na iyon
bumubula, tila may naglaba maghapon
bago umuwi, ang ilog ay binidyuhan
pagragasa ng tubig ay mapapakinggan

kumusta kaya nang dumating si Carina
sana'y ligtas sila pati na gamit nila
nabatid ko sa ulat, Montalban ay baha
tiyak ilog na ito'y umapaw na sadya

sana ang mag-asawang kasama sa Ex-D
ngayon sana'y nasa kalagayang mabuti
nawa bago magbagyo sila'y nakalabas
at nakaakyat din sa lugar na mataas

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

* bidyo ng tabing-ilog, kuha ng makatang gala noong Hulyo 14, 2024
* Ex-D o Ex-Political Detainees Initiative (XDI) kung saan ang makatang gala ang kasalukuyang sekretaryo heneral
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1192747778706789 

Baby pisak sa nagdeliver ng ayuda

BABY PISAK SA NAGDELIVER NG AYUDA

sadyang nakaluluha ang nasabing ulat:
"Baby, pisak sa nagdeliver ng ayuda"
ang tsuper ba'y lasing at walang pag-iingat?
bakit ang ganito'y nangyayaring talaga?

di ba nakitang mag-ate ay tumatawid
patay ang sanggol na buhat ng dalaginding
sayang ang buhay, ilang luha ma'y mapahid
napakabata pa'y agad nang ililibing

ayon sa ulat, bata'y edad isang taon
ngunit nasagasaan ng rescue vehicle
na may dalang relief goods, ayuda ang layon
subalit bakit ang nangyari'y di napigil

ang biktima'y nadala pa raw sa ospital
subalit sa pinsala sa ulo't katawan
ang sanggol ay dineklarang dead on arrival
tsuper ay kinustodiya ng kapulisan

kahindik-hindik ang ganitong pangyayari
ulat na sadyang dudurog sa iyong puso
paano kung anak mo ang naaksidente
aba, puso mo'y habambuhay magdurugo

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 29, 2024, pahina 1 at 2

Payak na pananghalian

PAYAK NA PANANGHALIAN

inulam ko'y talbos ng kamote
at saka sibuyas at kamatis
gulay ay pampalakas, ang sabi
at baka rin gumanda ang kutis

payak lamang ang pananghalian
upang di malipasan ng gutom
sa munting hardin, mamitas lamang
kahit amoy mo ang alimuom

talbos ay isapaw sa sinaing
kaysa ilaga nang makatipid
hanguin pag kanin na'y nainin
ulam itong may ginhawang hatid

tara, kaibigan, salo tayo
at tiyak, mabubusog ka rito

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024

Laro sa Hulyo

LARO SA HULYO

bawat araw, may larong Word Connect
at Sudoku na app game sa selpon
buong Hulyo'y sinagot kong sabik
na kasiyahan ang tanging layon

matapos ang maghapong pagsulat
o paggising ng madaling araw
matapos din maglinis ng kalat
o habang humihigop ng sabaw

pinakapahinga sa magdamag
at maghapon kong pagtatrabaho
upang isipan ko'y di malaspag
at upang di sumakit ang ulo

isip ng isip ng susulatin
ah, kailangan din ng pahinga
Sudoku't Word Connect ay laruin
at magpahinga ng buong saya

- gregoriovbituinjr.
07.31.2024