Martes, Hunyo 20, 2023

Di Reyna kundi Diwata

DI REYNA KUNDI DIWATA

di ako mahilig sa reyna ng kanluran
bagamat may reyna tayo sa santakrusan
mas Diwata kung patungkol sa paraluman
na nasa ating katutubong panitikan

sa pagkatha man ng sanaysay, kwento't tula
iniiwasan kong bida yaong kuhila
walang hari, walang pari, walang banyaga
kundi bayani'y katutubo at diwata

tayo nama'y walang kaharian o reyno
na pinamumunua'y karaniwang tao
lipunang makatao'y nais ko sa kwento
at walang uring mapagsamantala rito

katha'y di isang bida kundi taumbayan
ang sambayanang kolektibong lumalaban
binabaka ang mapang-api sa lipunan
naghahandang talunin ang mga gahaman

kaya heto, tumutula na namang muli
para sa isang Diwatang kasamang lagi
sinasaka ang bukirin ng tuwa't hapdi
upang itanim sa lupa'y mabuting binhi

- gregoriovbituinjr.
06.20.2023

Bayad muna bago selfie

BAYAD MUNA BAGO SELFIE

minsan, sumakay ng traysikel puntang Mandaluyong
upang daluhan ang isang tinakdang pagpupulong
may paskil doong unawa kahit ng di marunong
sa traysikel na pag nabasa'y di na magtatanong

imbes na "Bayad Muna Bago Baba" ang mensahe
ay tumataginting na "Bayad Muna Bago Selfie"
baka sa kase-selfie mo'y makalimutan kasi
ang bayad, panay selfie't natutuwa sa sarili

ibig sabihin, presence of mind, dapat laging listo
magbayad ka, di ka sakay ng sarili mong awto
nakasalalay sa bayad ang iyong pagkatao
kung sino ka, ikaw ba'y makatao't prinsipyado

napakapayak ng mensahe doon sa traysikel
subalit tumatagos sa puso't diwa ang paskil
barya'y ihanda bago sa pagse-selfie manggigil
bayaran ang pagsakay, huwag hintaying masingil

- gregoriovbituinjr.
06.20.2023