Sabado, Oktubre 10, 2009

Aktibistang Iniwan ng Sinta

AKTIBISTANG INIWAN NG SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iniwanan ako ng dating kasintahan
dahil daw sa aking mundong ginagalawan
ang gusto niya'y tutukan ko ang tahanan
kapag kaming dalawa na'y nagkatuluyan
at iwanan ko ang gawain sa kilusan

ngunit sadyang kayhirap ng kanyang hiniling
dalawa kong tenga'y tila biglang nagpanting
ramdam ko'y dusa kahit siya'y naglalambing
gumawa na lang daw kami ng sampung supling
ngunit iwanan ko ang kilusang magiting

ako'y aktibista ng kanyang makilala
aktibista ako ngunit tinanggap niya
ngunit bandang huli ako'y iiwan pala
di niya tanggap ang buhay kong aktibista
mga aktibista raw ay dapat isuka

tinanong ko naman siya bakit ganito
nag-aktibista ako dahil sa prinsipyo
kumikilos upang lipunan ay mabago
ngunit sabi niya aktibista'y magulo
nag-aambag lang sila ng gulo sa mundo

paglisan niya'y tinanggap kahit masakit
siyang sa aktibista'y tila ba may galit
ako'y iniwasan niya, o anong lupit
kaya't akong natulala'y nagpasyang pilit
tuloy ang aking pagtulong sa maliliit

aktibista ako hanggang sa kamatayan
ito ang pinili ko't pinaninindigan
nasa isip ko'y pampalubag-kalooban
na marami namang ibang babae riyan
naaalala man ang dating kasintahan


Pabahay, Hindi Noodles, Hindi Sardinas

PABAHAY, HINDI NOODLES, HINDI SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Palagi na lamang noodles at sardinas
Ang natatanggap ng mga maralita
Gayong pansamantala lang itong lunas
Sa mga naapektuhan nitong baha

Dapat ilagay na sa ayos ang dukha
At tulong ay huwag lang gawing palabas
Pabahay ang nais nitong maralita
Hindi itong mga noodles at sardinas



Operasyong Agarang-Tulong

OPERASYONG AGARANG-TULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami silang nakatitig na sa kawalan
mga gagawin nila'y di nila malaman
nilamon ng baha ang kanilang tahanan
at tinangay rin pati mga kagamitan
halos lamunin na sila ni Kamatayan

naglalabasan sa ganitong pangyayari
ang mga may puso't may diwa ng bayani
marami tayong sa kanila'y nakasaksi
nagtulungan silang masagip ang marami
kahit di nila kilala sila'y nagsilbi

nagbigay sila ng mga tulong na bigas
kilo-kilong kasama'y noodles at sardinas
pati mga damit ay agad iniluwas
sa mga binaha't gamit ay nalimas
habang kabaong naman sa mga nalagas

bayanihan itong taal sa mga Pinoy
nagtulungan yaong mayaman at palaboy
tulong magkapatid na sing-init ng apoy
upang masagip ang sinalanta ni Ondoy
at pati nangalubog doon sa kumunoy

sadyang napakasakit ng nangyaring ito
pagkat di ito inaasahan ng tao
ngunit may dapat ba tayong sisihin dito
tadhana ba o kapalpakan ng gobyerno
o ang ganid na sistemang kapitalismo

marami pong salamat, mga kaibigan
sa inyong tulong na bukal sa kalooban
bagamat iba'y nawala na ng tuluyan
ay nailigtas ang maraming kababayan
mula sa baha't kaypait na kapalaran

Kalsadang Ilog

KALSADANG ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Nang si Ondoy bumisita
Ay naperwisyo ang masa
Namamangka sa kalsada
Pag papunta sa eskwela
Patungo man sa pabrika
Sa palengke't opisina
Kanal ay alingasaw na
Nagbabago na ang klima
At ilog na ang kalsada.