SA IYONG KAMATAYAN, KA PABLO NERUDA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ilang araw matapos ang kudeta ni Pinochet
noong ikaw ay pumanaw sa panahon ng lupit
ikaw ba'y talagang namatay sa kanser mong sakit?
o kaaway mo'y pinaslang ka sa matinding galit?
apatnapung taon nang ikaw sa mundo'y lumisan
nang binulgar ng tsuper mo ang nangyaring pagpaslang
kaylaki ng iyong pamanang sa mundo'y iniwan
kaya pagpaslang sa iyo'y walang kapatawaran
nakabibigla, ito nga'y malaking kontrobersya
hanggang hinukay ang iyong labi, inawtopsiya
anang pamahalaan, di ka pinaslang, Neruda
labi'y walang bakas ng lason, ayon sa kanila
mabuhay ka at ang iyong pamana sa daigdig
tula mo'y patuloy na babasahin, maririnig
* Si Ka Pablo Neruda (Hulyo 12, 1904 - Setyembre 23, 1973) ay makata ng Chile, kasapi ng Partido Komunista ng Chile. Ginawaran siya ng Lenin Peace Prize noong 1953, at nakamit niya ang Nobel Prize for Literature noong 1971.