Sabado, Agosto 24, 2019

Katinuan

KATINUAN

kulang-kulang kung ilagay ang kahon-kahong alak
may katiwalian kayang nagaganap sa lusak
ano't nagkakaisa sila sa masamang balak
aba, baka sa ilong ay may malagyan ng bulak

sadyang pahirap sa bayan ang mga tusong trapo
binoto ng bayan ay nakatutok sa negosyo
lingkod bayan ngunit pinagtutubuan ang tao
kung gobyerno'y ganito, dapat nang palitan ito

kahit sangkaterbang langgam ay marunong mag-aklas
lalo't nakita nilang kalagayan ay di patas
nais din nilang makitang namumuno'y parehas
walang nagagawang katiwalian, walang hudas

nawa'y magkaroon ng katinuan sa'king bansa
mga namumuno'y tunay na maglingkod sa madla

- gregbituinjr.

Sa ika-35 anibersaryo ng SAMANAFA

SA IKA-35 ANIBERSARYO NG SAMANAFA

sa inyong ikatatlumpu't limang anibersaryo
aming ipinaaabot ang pagbating totoo
tatlumpu't limang taon ng pamumunong sinsero
higit tatlong dekadang mahusay na liderato
taas-kamaong pagpupugay, paabot sa inyo

mabuhay ang inyong organisasyong Samanafa
ang katatagan ninyo'y kahanga-hanga talaga
pinanday man kayo ng maraming problema
naging matibay kayong kasangga, nagkakaisa
kasaysayan ninyo'y dapat matala sa historya

mabuhay ang inyong pangulong Ka Pedring Fadrigon
matatag na pinuno sa matagal na panahon
pinagkaisa ang iba't ibang organisasyon
sinasaluduhan sa matatalinong desisyon
hinarap niya ang anumang panibagong hamon

mula sa kalye'y naging maliit na talipapa
naging palengkeng tatlong palapag, madla'y natuwa
kaygandang puntahan, maganda ang pagkakagawa
inyong palengke'y tunay na naglilingkod sa madla
dapat tularan ang inyong mabuting halimbawa

- gregbituinjr.
8/24/2019 sa ika-35 anibersaryo ng Samahan ng Maninindang Nagkakaisa sa Fabella (SAMANAFA), sa Welfareville, Brgy. Addition Hills, Lungsod ng Mandaluyong