Lunes, Agosto 3, 2020

Parinig at pag-iipon

pag-iipon laban sa sistemang kapitalismo
mag-ipon nang makapag-organisa ng obrero
mag-ipon habang nasa kwarantina pa rin tayo
kung paano makaipon, pag-isipang totoo

magkatrabaho'y laging pinaririnig sa akin
dapat daw permanenteng trabaho'y aking maangkin
noon, ako'y permanente'y nilayasan ko pa rin
pagkat ano bang esensya ng trabahong alipin

wala kasing sahod kaya laging pinariringgan
ngunit pananaw nila'y akin namang ginagalang
pagiging Katipunero'y nasa ugat ko lamang
kaya laging nasa isip ay paglaya ng bayan

parinig naman nila'y tila naging inspirasyon
paano ba mag-iipon para sa rebolusyon
paano mag-iipon upang pondohan ang layon
pag-aralan itong mabuti't simulang mag-ipon

maghahanap ng paraan para sa maralita
huwag lang makuntento sa paggawa ng Taliba
paano ba popondohan ang pagkilos ng dukha
ito'y dapat pagnilayan ng buong puso't diwa

mula sa parinig, pulos parinig ng parinig
mag-iipon habang mga dukha'y kakapitbisig
kung salapi'y galak, ito'y gamitin ding pang-usig
at mga kuhila't mapagsamantala'y malupig

- gregbituinjr.

Mahirap mang maging pultaym

pultaym na wala mang kita'y patuloy sa pagsulat
pultaym mang walang sahod, patuloy na nagmumulat
ganyan ang aking buhay-tibak, di mo man dalumat
mahalaga, prinsipyo't adhika'y maisiwalat

sulating patula ang nasa tiyan, puso't diwa
saanman naroroon, tutuparin ang adhika
bilang makata't kawal ng hukbong mapagpalaya
nilay ng nilay, sulat ng sulat, gawa ng gawa

may gawain bilang pultaym kahit na kwarantina
basahing muli ang yakap na ideyolohiya
rebyuhin din ang mga aklat at akdang nabasa
magsulat ng polyeto't ipalaganap sa masa

organisahin pa rin ang kapwa obrero't dukha,
na lipunang mapagsamantala'y dapat mawala;
lipunang makatao'y manggagawa ang lilikha
at isang bagong sistema'y itatayo ng madla

sa buhay na ito'y iyan ang munti kong pangarap
na diwang malaya't makatao'y ipalaganap
sa kabila ng pagiging pultaym, puspos ng hirap
ay patuloy sa paggampan ng misyon at paglingap

- gregbituinjr.

Ang masipag na tibak

tila ba itong kwarantina'y naging katwiran ko
upang nasa bahay lang, tila nakakalaboso
masipag, sa gawaing bahay nga'y pinakita ko
ngunit walang perang ambag sa pamilya ko rito

'blessing-in-disguise' ba ang dinanas na kwarantina?
upang tunay na kalagayan ay malaman nila?
silang tingin dapat may permanenteng trabaho ka
na talbusan mo ng panggastos para sa pamilya

unawa ko naman ang ganoon nilang pananaw
dapat may panggastos ka sa bawat kibot o galaw
sa sistemang kapitalismo'y kulturang pinataw
gayunman ako'y nagsisipag sa gawang matanaw

nagsisipag pa rin akong gumawa ng ekobrik
ginupit na plastik sa boteng plastik sinisiksik
nagtanim din ng gulayin sa mga basong plastik
balang araw, magbubunga ito't nakasasabik

masipag ding magpropaganda't gumawa ng akda
patunay ang dyaryong Taliba't sangkaterbang tula
masipag magsulat tungkol sa prinsipyo't adhika
hanggang mamatay ay magsusulat para sa madla

huwag mo lang asahang may pera ako palagi
pagkat simpleng pamumuhay akong nagpupunyagi
patuloy sa paglilingkod sa bayan at sa uri
hanggang hukbong mapagpalaya'y tuluyang magwagi

- gregbituinjr.