PAGLABAN SA PAGKABUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
huwag mong sanaying inaapakan ka ng iba
pakatandaang may angking dignidad bawat isa
huwag payagang umiral ang pagsasamantala
huwag mong sanayin silang inaapi-api ka
nagdidilim at lumuluha yaring kalangitan
tila ba nauuhaw sa asam na katarungan
pagkat nabahiran ng dugo ang sangkalupaan
ang bayan niya't api't pinagsasamantalahan
magkaisa nating labanan ang pagkabusabos
pagkat hindi tayo alipin, tao tayong lubos
ang pag-unawa sa sistema'y dapat nating talos
at tungo sa pagbabago tayo na'y magsikilos
pagsasamantala sa kapwa'y dapat nang mapawi
pag-ibig at katarungan yaong dapat magwagi