lagi niyang bukambibig, "perahin mo na lang 'yan!"
sa paraang pabiro sa animo'y kabiruan
ako mismo'y nahiya sa kanyang mga tinuran
pagkat prinsipyo niya pala'y pera, pera lamang
biniktima siya ng salot na kapitalismo
kaya "perahin mo na lang" ang bukambibig nito
bakit asal ng ilang kakilala ko'y ganito?
tingin ay mukhang may pera lahat ng kausap mo
totoong sa mundong ito'y umiikot ang pera
pagkat kapitalismo ang pangunahing sistema
sistemang mapanyurak sa dangal ng dukha't masa
ngunit kabutihang asal ba'y wala nang halaga?
bagaman nais yumaman, matupad ang pangarap
ang garapal niyang salita'y di katanggap-tanggap
tila ba di na nahihiya sa kanyang kaharap
pawang kakapalan yaong pakita sa kausap
"perahin mo na lang," ang sagwa, kahit isang biro
nakangiti, "perahin mo na lang" nang may pagsuyo
tila nais niyang humiga sa bangin ng luho
pera, pera, pera ang animo'y hanap ng puso
ganitong tao ba'y paano mo pagsasabihan
masamang asal ba niya'y basta tanggapin na lang?
di ba siya nahihiya sa kanyang kaasalan?
ang mga tulad ba niya'y paano lalayuan?
- gregbituinjr.