Lunes, Oktubre 19, 2020

Ang gawain kong pagsasalin

Ang gawain kong pagsasalin

may kompyuter na't wifi, mayroong teknolohiya
magsalin ng Ingles sa Filipino'y madali na
subalit pag ninamnam mo ang salin mong binasa
minsan, mali ang kahulugan sa iyong panlasa

kaya ako'y nagsasalin sa mahabang estilo
bawat pangungusap ay isusulat sa kwaderno
di laging literal na salita, unawain mo
upang iyong makuha ang kahulugan ng wasto

di lang bolpen at kwaderno ang iyong gagamitin
kundi dalawang wika'y kabisado mo't namnamin
nirerepaso't binabalikan ang mga salin
pangungusap at talata'y dapat mong unawain

kung Pluto'y dwarf planet, ang salin ba'y dwendeng planeta
gayong di ito dwende kundi maliit sa iba
dwarf dahil maliit, di dahil dwendeng may mahika
mainam bang Pluto'y tawaging punggok na planeta

suriing mataman ang nakapaloob na diwa
na nais iparating sa madla niyong may-akda
upang kahulugan sa salin ay walang kawala
upang manamnam mo ang lasa ng bawat salita

salin ng salin, dapat batid ang sariling sulat
upang sa kompyuter ay maitipa ng maingat
diksyunaryo ng mga salita'y tangan ding sukat
bilang sanggunian kung ang salita'y nararapat

- gregoriovbituinjr.

365 basong karton kada taon

ginagamit ko'y isang baso lamang sa tahanan
na matapos magkape'y akin namang huhugasan
walang basong kartong itatapon sa basurahan
kundi yaon lamang plastik ng kapeng pinagbilhan

ginagamit naman sa kapehan ay basong karton
kung araw-araw isang beses kang magkape doon
bilangin mo't ang nagamit sa isang buong taon
ay tatlong daan, animnapu't limang basong karton

ikaw pa lang iyon, paano kung ang magkakape
ay isang daan bawat araw, di lang ito triple
tatlumpu't anim na libo't limangdaang kinape
sangkaterbang basurang ito'y suriing maigi

kung sa kapehan, basong hugasin ang gagamitin
walang basong kartong basurang papatas-patasin
kaylaking tipid ng may-ari sa kanyang gastusin
nakatulong pa sila sa kapaligiran natin

sa ating pagkakape, minsan ito'y pag-isipan
mga plastik ng kape'y maiekobrik din naman
maaksayang pamumuhay ay dapat nang iwasan
at isipin din ang kalagayan ng kalikasan

- gregoriovbituinjr.

Ang pangkat ng Alno (PSA)

ANG PANGKAT NG ALNO (PSA)

bagong kaibigan ni misis ang pangkat ng Alno
na sa barangay na iyon ay naging katrabaho
ang grupo nila yaong nag-sensus sa buong baryo
upang iambag sa populasyon ng bansang ito

sa pagse-sensus ay matitinik at mabibilis
sa pagkuha ng datos, walang kulang, walang labis
bagong kaibigan, bagong kasamahan ni misis
masasaya't palakwento, tiyak kang bubungisngis

matapos ang trabaho'y nag-iskedyul ng lakaran
taniman ng samutsaring cactus ang pinuntahan
nag-selfie't iba't ibang cactus ang nilitratuhan
sa bahay ng isang katrabaho'y nananghalian

sa pangkat ng Barangay Alno, maraming salamat
sapagkat kayo'y talagang mahuhusay ngang sukat
kahit may ilang problema'y naaayos ang ulat
ginawa ang tungkuling makatutulong sa lahat

- gregoriovbituinjr.