Lunes, Pebrero 5, 2024

Pagtunganga

PAGTUNGANGA

napatunganga muli sa kawalan
tila nahipan ng hanging amihan
animo gagawin ay di malaman
habang naglalaro ang nabungaran

paano ba mamatehin ang hari
ng sablay na laging napapangiwi
ang reyna at tore'y di mo mawari
habang piyon ay nagtangkang magwagi

tila nanonood lamang sa wala
di pa lumitaw ang kislap sa diwa
baka dumating ang mutya mamaya
ay biglang matulala, mapatula

para bang naritong nananaginip
sa diwa'y walang anumang mahagip
bagamat sa puso'y may halukipkip
na tila baga walang kahulilip

- gregoriovbituinjr.
02.05.2024

Palathaw pala'y palakol

PALATHAW PALA'Y PALAKOL

akala ko ang tanong ay PALAHAW
sa krosword, iyon pala ay PALATHAW
PaLa, at Wa, na lang ang natatanaw
PALUWAL kaya ang isagot ko raw

tamang sagot ay hinanap kong tunay
na tinawid pa'y bundok, dagat, tulay
nang matagpuan, ako'y napanilay
ito sa akda'y gagamiting tunay

hanggang makita ko sa diksyunaryo
kung anong wastong kahulugan nito
at nakita rin ang hinahanap ko
ay, PALAKOL, pansibak pala ito

bagong salita, hindi pala, luma
lumang salitang bagay sa pagtula
pati sa dula't kwentong makakatha
salamat, krosword, ito'y sinariwa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2024

palathaw - tanong sa 1 Pahalang
palathaw - 1. [Sinaunang Tagalog] manipis na itak; 2. maliit na palakol at may maikling hawakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 892