Lunes, Agosto 30, 2021

Nawa'y makita pa sila


NAWA'Y MAKITA PA SILA
(August 30 is International Day of Disappeared)

kanina sa webinar ng FIND ay dumalo ako
dahil daigdigang araw ng desaparesido
ngayon, kaya pinakinggan ko ang naritong isyu
nakinig ng pananalita sa usaping ito

makabagbag-damdamin ang bidyong ipinalabas
tungkol sa masayang pamilya subalit dinahas
nang kuya'y dinukot, winala ng kung sinong hudas
pangyayaring ang kawalang hustisya'y mababakas

ako'y nakikiisa sa paglaban nilang tunay
habang akin ding nadarama ang sakit at lumbay
ako'y kaisa upang makita ang mga bangkay
ng mga desaparesidong dinukot, pinatay

kaya naging adhika ko nang kumatha ng tula
sa usaping desaparesido o iwinala
ilang taon na ring commitment na ito'y ginawa
bilang bahagi ng pagsisilbing tapat sa madla

Agosto Trenta, International Day of Disappeared
at Araw din ng mga Bayani, ito'y di lingid
taunang gunitang araw na sa puso'y naukit
sa paghanap ng mahal sa buhay, mga kapatid

seryoso akong nakinig sa mga inilahad
sadyang dama kong krimeng ginawa sa buto'y sagad
sana, bangkay ng mga iwinala'y mailantad
pagpupugay sa mga kasama sa FIND at AFAD

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa dinaluhang webinar hinggil sa mga desaparesido
* FIND - Families of Victims of Involuntary Disappearance
* AFAD - Asian Federation Against Involuntary Disappearances

Pitong tanaga sa Pagkasilang ng Bansa

PITONG TANAGA SA PAGKASILANG NG BANSA

1
sinilang ng Agosto
ang bayang Pilipino
noong Katipunero
ay nag-alsa ng todo
2
pagkasilang ng bansa't
tandaan nating pawa
nang kababayan, madla'y
naghimagsik ngang sadya
3
ang sedula'y pinunit
dayuhang panggigipit
ay tinapos nang pilit
paglaya'y iginiit
4
eighteen ninety six iyon
at Agosto pa noon
nang isilang ang nasyon
Pinoy ay nagkatipon
5
ang buong Katipunan
na nag-alsang tuluyan
ay mula sa samahan
naging pamahalaan
6
mabuhay ang pagsilang
nitong Lupang Hinirang
mananakop na halang
ay ipinagtabuyan
7
ito'y gintong historya
na bansa'y malaya na
ituro sa eskwela
ang tagumpay ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 28

Pagkain ng sala sa oras

PAGKAIN NG SALA SA ORAS

di ako ang taong pagdating
ng alas-dose ng tanghali
ay titigil upang kumain

ngayon ka lang kakain, tanong
nila sa akin noong minsan
nang kumain ako ng hapon

ay, ngayon lang ako nagutom
tinapos muna ang gawain
kaya kakain naman ngayon

di ako eyt-to-payb na tao
minsan, kakain ng alas-dos
ng alas tres o alas-kwatro

tuloy lang ako sa paggawa
pagkat alam naman ng tiyan
kung titigil na sa pagkatha

upang kumain, di sa oras
kundi pag wala nang mapiga
sa utak saka lang lalabas

upang kumain sa kantina
lalo na't di nakapagluto
o bumili sa karinderya

ganyan ang karaniwang buhay
ng tulad kong sulat ng sulat
gutom na'y patuloy sa nilay

ngunit dapat pa ring kumain
upang lumakas ang katawan
at upang makakatha pa rin

bagamat kahit ako'y gutom
minsan pagkatha'y uunahin
habang kamao'y nakakuyom

patuloy pa ring nag-iisip
kumakatha't sulat ng sulat
ng anumang paksang mahagip

di ako eyt-to-payb na tao
ngunit huwag magpakagutom
payo sa sarili'y totoo

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021