Biyernes, Marso 8, 2024

Pagdalo sa pagkilos ng kababaihan

PAGDALO SA PAGKILOS NG KABABAIHAN

mula España ay nagmartsa papuntang Mendiola
ang kababaihan ngunit hinarang sa Morayta
ang mga nagmartsa ng dalawang trak ng pulisya
magkabila kaya doon na sila nagprograma

"Labanan ang Cha-Cha ng mga Trapo at Dayuhan!"
"Kilos Kababaihan, Labanan ang Kagutuman,
Kalamidad at Karahasan!" anong katugunan
nitong pamahalaan sa kanilang panawagan?

O, kababaihan, kami'y nagpupugay sa inyo
kayong nabubuhay na kalahati nitong mundo
tara, magkaisa't kumilos sa maraming isyu
at matinding labanan ang Cha-Cha ng trapo't dayo

may iba pang plakard at panawagang namataan:
"Makababae at makataong pamahalaan
Hindi gobyerno nitong mga trapo at dayuhan"
"Hustisyang panlipunan, hindi Cha-Cha ng iilan!"

panawagang kung isasaloob at maninilay
ay kikilos tayo at patitibayin ang hanay
sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay!
tuloy ang ating laban! mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Tutungo ba ako sa rali ng kababaihan?

TUTUNGO BA AKO SA RALI NG KABABAIHAN?

tutungo kaya ako sa rali ng mga babae
sa Araw ng Kababaihan, gayong ako'y lalaki
baka ma-out of place ako roon, anong aking silbi
subalit maganda ring pumunta kung hanap ko'y rali

marahil ay kumuha ng ulat para sa Taliba
ng Maralita, na pahayagan ng mga dalita
iyon ang headline sa Taliba na dapat ibalita
ah, iyon nga marahil, kaya ako'y pupunta na nga

itutula ko ang mga isyu ng kababaihan
na kanilang ilalatag sa pagmartsa sa lansangan
ang tulad ko'y di dapat mawala sa raling anuman
lalo't maraming maralita'y pawang kababaihan

pasya ko ngayon ay magtungo sa nasabing pagkilos
upang ipakita ang aking pakikiisang lubos

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Isang beses na pagtanggi

ISANG BESES NA PAGTANGGI

ako'y tinanggihan ng isang beses
sa munting kahilingang aking bitbit
aba'y sadyang di na ako umulit
baka sabihan pang ako'y makulit

ang dama ko'y nanliit, napahiya
animo'y isang sisiw na nabasa
parang prinsipyo'y dinurog, piniga
kaya di ko na inulit ang sadya

kung ayaw mo, huwag mo, sabi na lang
pag tumangging isang beses, hayaan
ibig sabihin, siya na'y iwanan
at talagang ayaw sa iyo niyan

ilan lang iyan sa naranasan ko
sa isang tila sikat na totoo
ang mamalimos ng awa'y ayoko
kaya kung ayaw mo, aba'y huwag mo

ngumiti naman siya nang tumanggi
gayunman, nasabi lang sa sarili
ayaw sa akin kaya walang paki
aba'y di na ako uulit, pare

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024

Pagninilay sa madaling araw

PAGNINILAY SA MADALING ARAW

di ako kayod-kalabaw para lang magkakotse
para sabihin sa ibang ako'y may sinasabi
at magmukhang kapitalistang suot ay disente
habang niyuyurakan ang dangal ng masang api

ayokong matulad sa kuhila't makasarili
na tinutubo lang ang iniisip araw-gabi
na ninenegosyo ang dapat tapat na pagsilbi
sa bayan, subalit sa gawa'y tiwali't salbahe

hayaan akong maging prinsipyadong aktibista
na ginagawa ko na nang higit tatlong dekada
na pinaglalaban ang kaginhawahan ng masa
na lipunang makatao'y asam maitayo na

di ako manghihiram sa salapi ng respeto
wala sa marangyang kotse ang aking pagkatao
wala sa bara ng ginto at milyon-milyong piso
patuloy akong makikibaka nang taas-noo

- gregoriovbituinjr.
03.08.2024